Baguio City rehab, sinimulan na

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagtipon-tipon ang iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magsagawa ng tatlong (3) araw na ocular visit sa lungsod na inumpisahan noong Miyerkules, Hunyo 26 sa pamumuno ng ilang miyembro ng DENR kabilang sina Usec.
Benny Antiporda, Environmental Management Bureau director Juan Miguel Cuna, at DENR-CAR regional director Ralph Pablo.
Napag-usapan ang iba’t ibang problema ng lungsod, tulad ng polusyon sa hangin, solid waste management, at kalinisan ng tubig sa mga ilog, sa nasabing pagpupulong kung saan inanunsyo ni
Antiporda na kailangang paigtingin at simulan na ang pagplano sa rehabilitasyon ng Baguio City.
“Basically, we came to Baguio to rehab Baguio City, to save Baguio City because kung mapapansin natin marami dito na hindi na natin nakikita and yet although yung effort na ginagawa ng ating regional offices ay talagang full effort pero kulang pa rin, so kailangan pa rin ng tulong national government,” ani Antiporda.
Dagdag pa ni Antiporda na siya’y nabigyan ng bagong pag-asa na matulungan ang lungsod sa iba’t ibang environmental issues.
Kinumpara niya ang rehab na ito sa matagumpay na nangyari sa Boracay na mas madaling maaayos ang Baguio City kaysa sa Boracay dahil kaunti lang ang problema sa lungsod.
“Ang Boracay kasi sobrang liit at sobrang laki ang kailangan na expansion, so nagkaroon ng problema roon pero sa inyo minimal lang naman yung rehabilitation na gagawin and basically we will just get the attention of those structures and establishments that are
inside the geo-hazard areas,” paliwanag ni Antiporda.
Nagbigay din si Antiporda ng kasiguraduhan na hindi isasara ang lungsod ng Bgauio gaya sa ginawang pansamantalang pagsara ng Boracay noong nagkaroon ng rehabilitasyon doon. Sinabi din niya na iba ang Boracay sa Baguio City.
“Expect the best pero hindi gaya sa Boracay na i-shutdown for 6-months, this is different. Baguio is not an island, maraming daanang papasok at palabas, paano mo isasara iyan.
And Baguio, maraming nag-aaral dito at mas marami ang populasyon dito na taga-rito kaysa sa porsyento ng turista.
Hindi mo pwedeng patigilin gumulong ang buhay nila for 6 months gaya sa Boracay rehabilitation,” ani Antiporda.
Nagtungo ang kapulungan sa Irisan Dumpsite at bumungad sa kanila ang ilang patunay ng paglabag sa operasyon ng dumpsite kaya agad nagdesisyon si Antiporda na bigyan ng Cease and Desist Order (CDO) ang operasyon ng nasabing dumpsite.
Dahil sa nangyari, nagkaroon ng paspasang aksyon upang masimulan ang planong rehabilitasyon ng lungsod. Sunod sunod na sinuyod nila ang mga ilog, sewage treatment plant at ilang mga piggery house noong Miyerkules, Hunyo 26.
Kinumpirma ng DENR na ang dalawa sa mga ilog sa lungsod ay mas madumi pa kesa Manila Bay.
Nilibot ng ilang kinatawan ng ahensya ang Sewage Treatment Plant sa North Sanitary Camp at nalamang hindi lahat ng lugar sa lungsod ay nabibigyan ng serbisyo sa processing treatment na kung saan ang ilang dumi ng lugar ay dumidiretso na lamang sa mga ilog.
Nakakaalarma na ito ayon sa DENR dahil ang ilang dumi ay napupunta sa mga ilog kabilang na ang Bued at Balili River.
Agad agad na nagbigay ng tugon ang incoming Mayor ng Baguio City na si retired Gen. Benjamin Magalong.
“We need to upgrade this facility and the same time we need to have an expansion project,” ani Magalong.
Pinuntahan din nila ang ilang mga babuyan na patuloy na nagiging isa sa mga dahilan ng pagdumi ng ilog dito. Ayon kay Antiporda, kailangan ang agarang solusyon para sa mga namamahala sa mga babuyan.
Sinigurado naman niya na hindi naman tuluyang isasarado ang mga ito. Ang suhestiyon niya ay magkaroon na lamang ng isang common piggery upang isang waste treatment process na lamang ang gagawin.
Dagdag pa ni Antiporda na ilan lang ito sa mga hakbang na gagawin para sa rehabilitasyon ng Baguio City sa tulong ng city government.
 
Paul Brian T. Baldoza, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon