BAGUIO MARKET MODERNIZATION 90% NA – MAYOR MAGALONG

LUNGSOD NG BAGUIO

“Let us say nasa 90 percent na kami, hinihintay na lang namin yung go signal from the PPP center and hopefully by second or third quarter ay matapos na ang negotiation para masimulan na ang market especially yung construction sa transfer site o relocation site”, ani Mayor Benjamin Magalong. Ito ang naging pahayag ni Mayor Magalong sa isang panayam hinggil sa kasalukuyang estado ng negosasyon sa proyektong modernisasyon ng pampublikong pamilihan ng lungsod.

Ilan sa mga pinakamalaking developer ay namumuhunan sa mga big-ticket projects sa Baguio, kasama dito ang rehabilitasyon ng public market at pagtatayo ng isang modern transport terminal habang nakikipagbuno ang lungsod sa mga problema sanhi ng mabilis na urbanisasyon nito. Muling pinabulaanan ni Mayor Magalong ang balibalitang pamamahalaan ng isang pribadong grupo ang nasabing pampublikong pamilihan sa oras na matapos ito.

“There is no truth that the market will be managed by a private group, the market will be managed ang operated by the local government of Baguio, klarong-klaro yan walang mababago dyan,” aniya. Ayon pa sa Mayor, ang
napapabalitang pamamahala daw ng isang pribadong grupo ng merkado ay gawa-gawa lang daw ng mga taong
maapektuhan sa modernisasyon.

Isang bagong batas ang nagpabago sa mga patakaran para sa public-privated partnership (PPP) projects na nakadisenyong paunlarin ang mga lokal na ekonomiya sa isang panahon matapos ang pandemya. Subalit siniguro ni Mayor Magalong na hindi dapat gambalahin ng Republic Act No. 11966 (bagong PPP Code of 2023) ang mga big-ticket projects na sumailalim sa mga pagsisiyasat at negosasyon bago maipatupad ang bagong batas, kung saan kasama dito ang modernisasyon ng Baguio public market na siyang pinakamahal na real estate property ng lungsod.

Lito M. Camero Jr./ABN

Amianan Balita Ngayon