Baguio nagpapasaklolo sa Tuba dahil sa problema sa basura

Nakikiusap ang isang konsehal ng lungsod sa karatig-bayan na panatilihin ang Baguio sa pansamantalang tapunan ng basura sa Tuba, Benguet sa loob nang isang taon habang tinatrabaho ng lungsod ang pagkaroon ng sariling sanitary landfill.
“We are asking for the cooperation of the municipalities. Their help would prove how strong our neighborhood ties are,” ani Baguio Councilor Elaine Sembrano sa isang panayam.
Ang tapunan ng basura ay sa loob ng stock farm na pag-aari ng Bureau of Animal Industry sa ilalim ng Department of Agriculture (DA).
Noong nakaraang taon, binigyan ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang Baguio ng go signal upang gamitin ang lugar, may sukat na halos 5,000 square meters, para sa isang taon.
Subalit ang mga residente sa palibot ng lugar ay hindi ito nagustuhan, na nagsasabing ito ay magdudulot ng panganib sa kanilang kalugusan.
Sa hiwalay na panayam kay Benguet Governor Crescencio Pacalso, inihayag din niya ang suporta sa plano ng mga kababayan upang hilingin sa agriculture secretary na bawiin ang kaniyang pagpayag sa hiling ng Baguio upang gamitin ang stock farm bilang pansamantalang imbakan ng basura ng lungsod.
Bilang pinuno ng committee on health and sanitation ng lungsod ng Baguio, sinabi ni Sembrano na sisiguruhin niyang susunod ang Baguio sa sanitation conditions na itinakda sa napagkasunduang paggamit sa stock farm ng DA.
Aniya, siya’y magtatrabaho para sa regular na pagsubaybay sa pasilidad upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng publiko, lalo na ang mga naninirahan sa Barangay Poblacion, kung saan matatagpuan ang kontrobersiyal na pansamantalang tapunan ng basura.
“Yung mga basura, nasa truck lang dapat. We are very serious about it, we are keeping our word na walang malalaglag sa lupa na basura kasi it will definitely affect their health,” ani Sembrano.
Ayon pa sa kaniya, ang tinatawag na BLISTT, na binubuo ng Baguio at mga bayan ng La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba, at Tublay, ay magkakaratig, “mayroong parehong mga problema at mga isyu”.
Ani Sembrano, dapat na magtulungan ang BLISTT sa paglutas sa mga alalahanin.
“We have nowhere to cling on to but our neighbors. Help us. In the future, we will not forget such kindness and will extend the same assistance to you. Who knows what partnership we can also enter into,” aniya patungkol sa mga bayan ng Benguet. “Baguio is not just for Baguio. It is for everybody – tourists visit the city, students from BLISTT study in Baguio, and everybody comes to the city for relaxation and other needs.”
Sinabi niya na ang hiling ng Baguio ay payagan ng mga karatig-bayan ng Benguet na gamitin ng lungsod ang pagtatapunan nang isang taon habang itinatayo ang sariling engineered sanitary landfill, “kung anuman ang mauna”.
Dagdag pa ni Sembrano na ang pamahalaang lungsod ng Baguio ay ginagawa ang lahat at nagsisikap na makahanap ng long-term na solusyon sa matagal nang problema sa basura. P.M.GEMINIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon