Baguio nais ang sariling molecular lab para sa COVID-19

LUNGSOD NG BAGUIO – Nais ng pamahalaang lungsod na magtayo ng sarili nitong molecular laboratory upang madoble ang trabaho sa pagtuklas at pagtutop sa nakamamatay na Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa ngayon, ang Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ay isang accredited sub-national testing laboratory para sa COVID-19 sa Northern Luzon.

Subalit sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na bukas ang pamahalaang lungsod na gumastos ng PhP15 milyon pa para lamang magkaroon ng sariling laboratory na magiging operasyunal sa susunod na 2 hanggang 3 buwan.

Sa oras na maitayo, lubos na mapapadali ng laboratory ang determinasyon ng lawak ng impeksiyon sa lungsod at sa Cordillera; mapapahusay ang contact tracing upang masukol ang virus sa pinakamadaling panahon; at magkaroon ng agarang medical intervention sa mga nahawaan ng COVID-19.

Ang mga ito, habang ang buong mundo ay naghihintay ng isang bakuna na tuluyang magbigay katapusan sa sakit.

Inihayag ni Magalong na ang pambansang gobyerno sa pamamagitan ng national Anti- COVID action plan chief implementer Carlito Galvez Jr. ay handang tumulong sa isang Reverse Transmission Polymerase Chain Reaction (RTPCR) machine, isang automated extraction machine at isang biosecurity cabinet, lahat nagkakahalaga ng PhP7.1 milyon.

Nauna dito ay pinasalamatan ni Magalong si Galvez sa pagiging instrument nito sa paghahatid ng 3,000 rapid test kits at PhP10.2 milyon halaga ng personal protective equipment (PPEs), kasama ang 5,000 body suits, 5,000 face shields, 5,000 pares ng shoe covers, 5,000 lab gowns at 5,000 N-95 masks, at iba pa.

Sa kabilang banda ay ipinanukala ni Magalong na ang ibang kagamitan at equipments na kinakailangan upang makakuha ng accreditation sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay maaaring makuha sa pamamagitan ng private partners na handing pumasok sa isang joint venture sa lungsod.

Sa isang pinakamasamang puwedeng mangyari, idinagdag ng mayor na matutugunan ng laboratory ang posibleng “ikalawang daluyong” (second wave) ng impeksiyon na maaaring muling lumumpo sa ekonomiya ng lungsod, lalo na sa tila pagwawalang-bahala ng tao na kasabay ng untiunting muling pagbubukas ng mga negosyo sa lungsod.

Sinabi ni Magalong na ang molecular laboratory at pagkuha ng trained personnel upang bantayan ito ay magiging bahagi ng recovery at resiliency plan ng lungsod na magdadala sa isang “new
normal”.

DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon