Umabot na sa 121 na kaso ng dengue ang naitala dito sa lungsod ng Baguio mula Enero hanggang Hunyo 2018.
Ito ang datus na inilahad ni Dr. Rowena Galpo, city health officer, noong umaga ng Hunyo 26 sa covered court ng barangay Loakan, Apugan, Baguio City.
Bukod sa datus ng dengue ngayong taong ito, binanggit din ni Galpo na sa tatlong taong nakalipas, ang 2016 ay may pinakamalaking bilang ng kaso ng dengue na umaabot ng mahigit 500 mula Enero hanggang Hunyo; ang 2017, sa parehong panahon ay mayroon lamang 74 na kaso ang naitala.
Aniya mayroong pattern ang pagtaas at pagbaba ng kaso ng dengue at kada ikalawa hanggang ikatlong taon ang outbreak year ng nasabing sakit.
Ngunit, ani Galpo, ang naturang pattern ay hindi na nasusunod dahil sa pagbabago ng panahon.
“It already had high cases in 2016 na hindi [natin] inaasahan, kaya noong 2017 ay sobrang baba, at kung iko-compare mo ngayon, ang 2018 ay nag-increase ng 63 percent.”
Kaugnay nito, isinagawa ng Department of Health ang World Dengue Day sa nasabing lugar na may temang “Halaman sa Gulong, Ating Isulong.”
Ani Galpo, ito ay ipinagdiriwang taon-taon upang maitaas ang antas ng kaalaman ng mga tao tungkol sa dengue at kung paano ito lutasin. Dagdag pa niya na mahigit 10 taon na nilang isinasagawa ito. Tuwing buwan ng Hunyo ito ipinagdiriwang dahil, ayon kay Galpo, Hunyo ang simula ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue.
Tampok sa nasabing pagdiriwang ang iba’t ibang halaman na pwedeng gamitin bilang mosquito repellents tulad ng citronella, marigold at rosemary.
Kabilang din sa mga itinampok ang mga recycled na obra ng mga gumagawa ng mga paso at furniture na gawa sa mga sirang gulong tulad ni Mang Soriano Gabiran na 30 taon nang nagre-recycle ng mga sirang gulong. Aniya, napakaganda itong paraan upang maiwasan ang dengue at maliban dito’y napakaganda rin itong pagkakitaan.
Samantala, pinasalamatan naman ni incoming Barangay Captain Salvador Lumitap ng Brgy. Apugan, Loakan, ang DOH sa pagsasagawa ng nasabing programa sa kanilang lugar. ROMELO DUPO III, UC Intern / ABN
June 30, 2018
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025