Sa haba-haba ng paghihintay at iba’t-ibang pangyayari sa paghahanda sa 2025 midterm elections, sa wakas, natapos na rin ito na maraming surpresang ibinigay. Ang halalan sa Pilipinas ay mayroong ilang mga uri. Ang presidente, bise-presidente, at mga senador ay inihahalal para sa isang anim-na-taon na termino (kalahati ng senado ay binabago kada tatlong taon), habang ang mga miyembro ng mababang kapulungan ng kongreso kasama ang mga kinatawan ng mga partylist,mga gobernador, bise-gobernador, mga miyembro ng sangguniang panlalawigan, mga mayor, mga vice-mayor, mga miyembro ng sangguniang panlungsod/bayan, mga opisyal ng barangay, at mga mga miyembro ng sangguniang kabataan ay inihahalal na magsilbi para sa isang tatlong-taon na termino. Sa pinakahuling pagbabago ay ginawang apat na taon na ang termino ng mga opisyal ng barangay.
Ang Pilipinas ang tanging demokrasyang pangpangulo sa buong mundo na gumagamit ng isang sistema ng elektoral na may panuntunan ng maramihan upang piliin ang isang mamumuno na nakaranas ng isang malaking pagbabago sa sistemang iyon. Ang pagbabagong ito ay iniba ang epektibong bilang ng mga kandidato na nakilahok sa pagboto. Ang karanasan ng bansa ay nagbibigay ng bihirang pagkakataon para sa mga interesado sa mga epekto ng pamamaraang elektoral sa presidential party systems upang subukin ang kanilang mga teoritikal na panukala. Nakaranas man ng pagbabago ang lumang presidential parties, subalit ang sistema ng elektoral na nakabatay sa maramihan ay nananatilin buo. Ayon sa Duverger Law in action, ang mga halalan na batay sa panuntunan ng maramihan ay may posibilidad na lumikha ng mga sistema ng bipartisan. Gayunman, ang kasalukuyang sistema ng elektoral ay kabaligtaran ng kung ano ang ipinahihiwatig ng batas na ito.
Ang kasalukuyang party system ng Pilipinas ay malaki ang pagkakaiba sa bipartisan system noon. Binago ang sistema upang mapigilan at supilin ang ganid na awtoritarismo kaya nilimitahan ang termino para sa lahat ng kinatawan lalo na ang presidente upang mahadlangan ang panunumbalik ng diktadura at ipamahagi ang kapangyarihan ng mas makatarungan. Ang maraming kandidato na kalagayan na ngayo’y ginawang tipikal ang mga halalan ay lumitaw kung ano ang nilayon ng Konstitusyon ng 1987. Subalit, ang malawak na pagbubukod-bukod ng partido sa mga halalan ay mas malamang na lumikha ng gobyerno na may mahinang mandato at hindi gaanong mabisang gumana at epektibo. Sa huli, kabalintunaan na ito ay maaaring humantong sa hindi matatag na demokrasya, na isang bagay na hindi natin nais.
Marami ngang surpresa ang dulot ng katatapos na halalan, maraming napatunayan at napabulaanan. Marahil ay namulat na tayo, napatunayan sa mga resulta ng halalan na hindi na madidiktahan ang mga botante. Tila nagigising na at nag-iisip na ang karamihan. Binigyan pansin natin ang mga survey, pinakinggan ang mga opinyon at hula ng mga kilalang tao, naaliw tayo sa nakamamanghang palabas ng eleksiyon subalit hindi natin nakita at naramdaman na baka pagod at hapo na ang sambayanan sa dalas ng pagsasagawa ng halalan, na baka sa kalauna’y magsawa na sila at mawalan na ng interes. Sa mga nahalal na mambabatas, sana’y mapansin na tila kailangan nang repasuhin ang elektoral na sistema ng bansa at makaukit ng bagong batas na naayon at angkop sa kasalukuyang makabagong mundo dahil sa totoo lang, sino ba ang tunay na nakikinabang sa “bawat halalan”?, kung bilyon-bilyong piso ang ginagastos maliban pa sa bumabahang pera ng mga kandidato na alam naman nating iilan lang ang tunay na nakikinabang. Sa kalakalan ngayon ng halalan, hindi ang taong-bayan ang nakikinabang kundi ang mga sugapa sa kapangyarihan at ganid sa salapi na nagpapaikot at nagmamanipula ng bawat halalan.
May 17, 2025
May 17, 2025
May 11, 2025
April 19, 2025
April 12, 2025