“BALIK ANG MGA SUGALAN SA CAGAYAN VALLEY”

Bumalik ang “dice games” ni Jerry Melad sa Barangay San Gabriel, Tuguegarao City, lalawigan ng
Cagayan, matapos ang “pagpapalamig” nito sa batikos ng mamamayang naapektuhan sa kanyang pagpapasugal. Ibig sabihin, nanumbalik din ang sabwatan ng kapulisan at lokal na pamahalaan matapos ang halos dalawang buwang “tagtuyot sa bigasan” ng mga lingguhang “dumidikit” sa iligal
na negosyo ni Melad. “Fresh start” para kay Melad ika nga dahil nakakuha ng basbas na magpasugal muli mula sa bagong upong PNP Cagayan Valley regional director Brig. Gen. Christopher C. Birung.

Malamang sa hindi, umayon na rin sa kumpas ni Melad sina Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que at Vice Mayor Bienvenido de Guzman dahil kung hindi, kahit pagbali-baliktarin man ng gambling operator ang kanyang mundo kung hindi nya “makausap ng mabuti” ang mga lokal na
opisyales, hinding-hindi siya makakabalik. Hindi maaaring magkunwaring hindi nalalaman ni Cagayan police provincial director Col. Julio Gorospe at Tuguegarao City police chief Lt. Col. Richard Gatan ang panunumbalik ng iligal na opersyon ni Melad dahil kung totoong wala,
malinaw na mayroon silang “failure of intelligence”.

Mula din sa sabay na pagsasara sa sugalan nina Elmo Balisi at Edmund Tamayao sa Balzain East,
Tuguegarao City noong unang linggo ng Hulyo ay sumabay bumalik ang sarili nitong iligal na negosyo isang linggo na ang nakararaan. Coincidence lang kaya ang pagbabalik nila Balisi at Tamayao o nainggit ito sa “go signal” ni Melad kaya kumuha na rin ng basbas sa mga kinauukulan?
At mistulang sabay-sabay ang kumpas na bumalik din ang pasugalan ni “Ace” sa Helera sa Divinan street sa Santiago City, ang kabisera ng Isabela.

Kabilang ang drop ball, caray cruz at salisi sa mga palarong iligal ni Ace na natigil din pansamantala nang madawit ang pangalan ni Santiago City mayor Alyssa Sheena Tan-Dy, Isabela
police director Col. Julio Go, Santiago City police chief Col. Tirso Manoli sa sabwatang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa iligal na gawaing ito. Mayroong ding pasugalan malapit pa sa munisipyo sa bayan ng Diffun, Quirino. Color games at salisi din sa Solano, Nueva Vizcaya na malapit lamang sa isang barangay hall. Buong Cagayan Valley region mistulang mayroong kamukha nila Melad, Balisi, Tamayao at Ace?

SHORT TIME

ABN'S HEART

Amianan Balita Ngayon