Sa panahon ngayon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang mga Pilipino ay nagiging malikhain sa paghahanap ng mga paraan upang makatipid sa pamamagitan ng paggawa ng mga alternatibong pagkain. Si Jasmin Balian Seting, 46, ay nagbahagi ng kanyang kaalaman sa paggawa ng masustansya at budget-friendly na ulam gamit ang mga balat ng saging at santol. Ayon sa kanya, ang balat ng saging ay mayaman sa sustansya at pwedeng gawing alternatibong pagkain. “Madalas itinatapon ang balat ng saging at santol, pero sa recipe na ito nagiging masarap at makabuluhan pa ang mga ito.”
Ang mga recipe na ito ay kanyang natutunan sa isang seminar noong 2007. Dagdag pa rito, sumali siya sa isang Cooking Competition noong 2007 at nagkamit ng 2nd place. Hanggang ngayon ay kanya pa rin itong niluluto para sa kanyang pamilya. “Masarap po siya lalo kapag may ketchup (ung Banana Peel Patty). Hindi sila mapait,” pahayag ng kanyang anak. Ibinahagi naman ni Jasmin ang kanyang recipe sa pagluluto ng Banana Peeling Patty. Una, balatan ang saba at itabi ang saging para sa ibang recipe. Ang balat ng saging ay mayaman sa potassium, na mas mataas pa kaysa sa mismong saging.
Hugasan ang balat ng saging tsaka ito pakuluan sa loob ng 20 minuto. Kapag kumulo na, hiwain ang balat ng saging sa maliliit na piraso. Sa isang mangkok, paghaluin ang hiniwang balat ng saging, all-purpose flour, powdered paminta, chicken cubes, at itlog. Pagkatapos, ilagay ang cooking oil sa pinainit na palayok at iprito ang natimplang banana peeling. Gawing flat ang mga ito habang piniprito. Huwag ding kalimutan lutuin ang saging mismo. Pwede itong gawing turon o banana cue. Ibinahagi rin ni Jasmin ang kanyang recipe para sa Santol Peel, na ayon sa kanya ay napapanahon dahil malapit na ang season nito sa July.
Una, balatan ang santol. Itabi ang santol at ibabad ito sa suka. Pakuluan ang balat sa loob ng 10 minuto tsaka ito hiwain sa maliliit na piraso. Huwag itapon ang pinagpakuluan ng santol peel sapagkat pwede pa ito maging Santol Juice. Timplahan lamang ito ng asukal.
Ilagay sa mainit na palayok ang bawang, sibuyas at ang pinakuluang santol peel at igisa. Pagkatapos, ilagay ang gata at knorr chicken cubes at ihalo halo ito hanggang sa ito ay maluto. Huwag ding kalimutan kainin ang nababad na santol sa suka. “Walang masasayang dito. May ulam ka na, may dessert ka pa,” ani Jasmin. Hinihikayat niya ang lahat lalo na ang kapwa niyang magulang na subukan ang recipe na ito upang makatipid at makatulong sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbabawas ng food waste.
Hubert Balageo/UB-Intern
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025