Bantang Martial Law, tinuluyan

Pagkatapos ng kung ilang mga bantang magdedeklara ng Martial Law sa Mindanao (in particular), tinuluyan na kamakailan (May 23, 2017) ni Pres. Duterte. Talagang wala nang atrasan. Mantakin mong nasa Kremlin (Russia) siya para sa kanyang limang araw na opisyal na misyon doon, sumabay pa ang mabigat na problema sa Marawi City. Kaya doon na sa Russia niya ginawa ang deklarasyon ng Martial Law sa buong Mindanao at pinutol agad ang kanyang misyon sa Russia at dagling umuwi. Habang sinusulat ang espasyong ito, nakauwi na sa bansa ang pangulo. Katunayan, nakapagsumite na siya ng report sa Kongreso hinggil sa naturang deklarasyon. Nasa Kongreso na (House at Senate) kung tama o mali ang kanyang deklarasyon na ang target ay animnapung araw. Yan ang aabangan ng sambayanan. Na ang ibig sabihin ba ay kung hindi papaboran ng Kongreso ay babawiin niya ang kanyang deklarasyong Martial Law sa Mindanao?

*****

Di pa man nakakapagpasya ang Kongreso hinggil sa report ni Pres. Duterte, samu’t-sari na ang hataw ng ilang mga mambabatas. May nagsasabing majority diumano sa Senado ang pabor. Ganun din sa Lower House. Hatawin nga natin ang mga daplis ng ilang mambabatas: ayon kay Sen. Lacson – parang kulang daw ang intelligence ng AFP at PNP sa nangyari sa Marawi kung bakit nakapasok ang mga tropa ng Maute; pahapyaw naman ni Sen. Honasan – ang intel-gathering ng mga otoridad ay magmumula sa taumbayan (residente at buong barangay) bilang pangunahing source ng balita o ulat hinggil sa movements ng mga kalaban ng gobyerno sa isang lugar; daplis naman ni Sen. Chiz Escudero – hindi dapat humantong sa batas militar dahil matatag naman ang puwersa ng military at PNP upang barahan ang banta ng terorismo sa Mindanao; upak naman ni Sen. Zubiri – sana isamang kastiguhin ng Martial Law ang mga supporter at nagkakanlong sa mga terorista pati na ang mga nasa LGUs; pero ang kanti ni Sen. Trillanes ang matindi dahil tinawag niya ang pangulong Digong na Trigger Happy. Kanya-kanya silang karapatang maglatag ng kanilang pananaw. Nasa taumbayan na ang pinal na husga kung ano ang kaganapan sa susunod na mga araw. Sa ganang amin, kung para sa ikalulutas ng problema sa Mindanao at ikatatag ng buhay ng buo nating lahi ngayon at bukas na darating, nandun kami.

******

Kung ating balikan ang nakaraan, sa mga saksi ng Martial rule ni late Pres. Marcos, tiyak na may takot na sila sa katagang Martial Law. Meron mang naidulot na kabutihan, reporma, disiplina, seguridad at kabuhayan sa panahon ng batas-militar sa panahong yun, meron ding naging batik dahil sa pagmamalabis ng ilang mga nasa tungkulin. Kaya nga’t kamakailan, tinanggap na ng mga biktima ng karahasan (human rights violation) ang paunang bayad sa kanila. Pero sabi nila, kahit maghilom man ang sugat, naroon pa rin ang pilat. Yan ang pangamba dahil sa bagong deklarasyon ng batas militar sa Mindanao. Ang nakakatakot lang ay ang maaaring mas lalawak na sasakupin nito, ayon sa pahapyaw ni Pres. Duterte. “Allow me to focus the problem sa Mindanao, and maybe the spill over in the Visayas and in Luzon. If I think that the ISIS has already taken foot hold also in Luzon and terrorism is not really far behind, I might declare Martial Law throughout the country to protect the people.” Dalangin namin: huwag na sana itong mangyari. Kawawa ang sambayanan lalo na ang mga kabataan. Ang masakit kasi, Pilipino kontra Pilipino. Nakakahiya! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon