Basura patrol, pinakilos ni Domogan

Binalaan ang ilang barangay sa lungsod sa pamamagitan ng kanilang punong barangay upang magsagawa ng site clean-ups, ayon sa memoranda 222-2017 at 223-2017 na inilabas ni Mayor Mauricio Domogan noong July 11.
Isinumite ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-CAR) sa pamamagitan ni Officer-in-Charge Regional Director Reynaldo Digamo ng kanilang Basura Patrol Operations, ang mga larawang may detalye tulad ng oras at lugar kung saan bawal ang mga gawain na nakasaad sa Republic Act 9003 (The Ecological Solid Waste Management Act of 2000) sa mayor.
Ipinagbabawal ang mga gawain tulad ng pagkakalat sa pampublikong lugar, kanal, okupahan ang mga lugar ng open dumps at landfills, pagsusunog ng solid waste, at pagbabaon ng basura sa mga flood-prone areas. Ang pagpapatakbo o pagtatatag ng open dumps ay ipinagbabawal din, tulad ng nasa republic act.
Ang grupo ng Basura Patrol ay kamakailang itinatag upang i-monitor at idokumento ang pagsunod sa mga nasabing bawal na gawain.
Direktang inutusan ang mga barangay ng Upper General Luna, Gov. Pack Road, Pinsao Proper, T. Alonzo, Guisad Central at Guisad Surong, Cresencia Village, Military Cut-off, AZCKO, Cabinet Hill, St. Joseph Village, Kayang Ext., Session Road, at Marcoville sa pamamagitan ng kanilang mga barangay chairman upang gumawa ng kinakailangang aksyon upang linisin ang kanilang lugar, siguruhing susunod ang kanilang nasasakupan sa tamang pag-dispose ng kanilang basura, at mangakong pananatilihing malinis ang kanilang barangay.
Inaasahang magsumite ng ulat ang mga punong barangay sa loob ng 15 araw. Nakalagay sa sulat ni Digamo na “As our partner in implementing RA 9003, we look forward to your cooperation in the protection of our environment.” Julie G. Fianza / ABN

Amianan Balita Ngayon