Maaala na noong Agosto 27, 2011 ay bumigay ang retaining wall ng Irisan dumpsite ng Lungsod ng Baguio na nagdulot ng pagguho ng basura na dumaluhong sa Asin Road, Tuba, Benguet. Sa nasabing insidente ay anim ang namatay at sinira ang tatlong bahay at mga ari-arian na nagkakahalaga ng milyones at sinabing isa sa pinaka-kilabot na sakuna na tumama sa lungsod ng mga pino. Walang nagawa ang mga opisyal ng gobyeno ng lungsod kundi isisi ang nasabing pagguho ng basura sa walang-tigil na mga pag-ulan dulot ni bagyong Mina. Ayon sa mga ulat noon, ang dami ng tubig-ulan na nasipsip ng tambakan ay nagpaluwag sa ma salansan at nakadagdag ng bigat sa gabundok ng basura na sanhi ng pagbigay nito.
Dahil sa sakunang iyon ay napilitang isara ang Irisan dumpsite at humanap ng mga paraan upang mapangasiwaan ang sobrang daming basura ng Baguio, hanggang sa magbiyahe na ang lungsod ng basura nito sa mga Engineered Sanitary Landfill (ESL) sa iba’t-ibang lugar kung saan gumagastos ang pamahalaang lungsod ng daan-milyong piso bawat taon. Noong Enero 17,2012 ay naglabas ang Korte Suprema ng isang Writ of Kalikasan na may Temporary Environmental Protection Order (TEPO) laban sa gobyerno ng lungsod ng Baguio at mga opisyal nito na itigil ang paggamit ng Irisan dumpsite. Agosto 10, 2012 naman ay nagbaba ang Korte Suprema ng “consent decree” upang permanenting isara ang Irisan dumpsite.
Nitong Hunyo 2, ay biglaang naglabas ang lokal na gobyerno ng abiso sa koleksiyon ng basura at umapila sa publiko na huwag munang maglabas ng kanilang hindi nabubulok na mga basura (non-biodegradable) dahil sa pagsasara ng Urdaneta Sanitary Landfill kung saan dinadala ang “residual wastes” ng Baguio. Tumagal ang hindi pagkolekta ng basura ng halos dalawang araw habang naghahanap ang City General Services Office-Solid Waste Management Division ng mga landfill na papayag na tanggapin ang basura ng lungsod. At nitong Miyerkoles lamang ay tinanggap ng Primewaste Solution engineered sanitary landfill sa Porac, Pampanga ang basura ng Baguio na naisipinal ang kontrata kaya tuloy na muli ang koleksiyon ng basura sa 128 barangay ng Lungsod ng Baguio.
Ang pasilidad sa Porac, Pampanga ay 200 kilometro ang layo sa Baguio na mas malayo kaysa Urdaneta, Pangasinan kung saan dodoble ang gastos sa pagbiyahe na mula PhP800 sa PhP1,600 bawat tonelada. Gumagastos ang lungsod ng PhP200 milyon bawat taon para sa paghakot at tipping fee ng nasa 200 hanggang 250 tonelada ng basura araw-araw. Naibaba naman ng lungsod ang tipping fee mula Php650 sa PhP550, muli walang magawa ang mga opisyal kahit mas malayo at mas malaki ang gastos ay walang ibang mapagdalhan sab asura ng Baguio. Halos labing-apat na taon na mula ng maisara ang Irisan dumpsite at hanggang ngayon ay nakikitambak pa tayo sa malalayong lugar.
Kung susumahin, sa 14 na taon na gumastos ang lungsod ng sabihin na natin sa PhP200 milyon, magkano ang kabuuang ginastos
hanggang ngayon? Nasa PhP2.8 trillion, isang napakalaking halaga na nagamit na sana para sa sarili nating ESL. Hindi matatawaran ang kasalukuyang pagsisikap ng administrasyon ni Mayor Benjamin Magalong upang kahit paano’y mabawasan ang basura ng lungsod at mas magaang pamahalaan ito. Sa kaniyang ikatlo at huling termino ay mas lalo pa sanang mapahusay ang pangangasiwa ng basura at isama rin ito sa kaniyang mga pangunahing agenda.
Tanggapin natin na kahit gaano kamoderno ang gamit at may mga makabagong pasilidad sa basura ay hindi pa rin mapipigilan ang pag-ipon ng basura habang dumadami ang tao at hindi pa lubos na tumutugon sa responsible at disiplinadong pagtapon, at pamamahala sa kani-kaniyang basura. Ang ultimong solusyon sa problema sa basur ay kapwa pananagutan ng gobyerno at ng mamamayan. Dalhin natin sila sa nararapat nilang kalagyan. Dahil kapag lubos na napahusay ang pamamahala umpisa sa mga tahanan at barangay ay mas kaunti ang hahakuting basura sa landfill, mababawasan pa ang gastos ng lokal na gobyerno.
June 8, 2025
June 8, 2025
May 31, 2025
May 25, 2025
May 17, 2025
May 11, 2025