BAYAN COMMUNITY PARK, OPEN NA SA MAYO 8

BAGUIO CITY

Bubuksan na sa publiko ang modernong Bayan Community Park na matatagpuan sa Barangay Bayan Park Village, Aurora Hill, Baguio City sa darating na Mayo 8. Itinuturing ito bilang isa sa mga pangunahing proyekto ng Pamahalaang Lungsod ng Baguio upang maitaguyod ang mas malapit na akses ng mga mamamayan sa maayos, ligtas, at luntiang espasyo para sa kalusugan, rekreasyon, at
koneksyon ng komunidad. Kabilang sa mga tampok ng parke ang isang jogging path, lugar para sa skateboarding, sunken playground para sa mga bata, outdoor calisthenics gym na akma para sa lahat ng edad, mga picnic area para sa pamilya, isang community amphitheater para sa mga pagtitipon, at mas malawak na taniman ng mga punong kahoy, ornamental plants, at edible gardens.

Ayon kina Mayor Benjamin Magalong at City Environment and Parks Management Officer Rhenan Diwas, ang parke ay dinisenyo upang maging modelo ng isang “green space” na hindi lamang nagsisilbing pahingahan mula sa urbanisadong kapaligiran kundi isa ring lugar
ng pagkakatipon at paggalaw ng mga residente. Sinimulan ang proyekto noong 2022 sa pamamagitan ng unang yugto na tumuon sa pagtatayo ng sunken playground na may sukat na 340 metro kuwadrado at ng outdoor gym na may sukat na 580 metro kuwadrado. Kasunod nito ang ikalawang yugto na kinabibilangan ng pagtatayo ng outdoor amphitheater, skatepark, at mga pampublikong palikuran.
Para sa mga residente, ang bagong parke ay higit pa sa isang lugar na libangan.

Ayon kay Marlyn, isa sa mga naninirahan malapit sa lugar, “Maganda siya kasi di na namin kailangan pumunta ng Burnham o doon sa Children’s Park para ipasyal ang mga anak namin, ganon kasi andito na yung park, malapit na lang sa’min.” Sa nalalapit na pagbubukas ng parke, inaasahang makikinabang ang labing tatlong barangay sa paligid nito, kabilang ang Ambiong, Aurora Hill Proper, Bayan Park Village, West Modernsite, East Modern Site, South Central, North Central, Leonila Hill, San Antonio Village, Honeymoon-Holy Ghost, Brookside, East Bayan Park, at Brookes Point.

Ayon kay Mayor Magalong, ang parke ay magiging huwaran para sa mga susunod pang community parks na planong itayo sa iba’t ibang bahagi ng lungsod sa ilalim ng programang “Parks-for-All.” Nilalayon ng programang ito na mabigyan ng maayos at ligtas na parke ang bawat mamamayan na maaaring marating sa loob lamang ng sampung minutong lakaran mula sa kanilang tahanan. Ang pagbubukas ng Bayan Community Park ay isang hakbang patungo sa pangarap ng lungsod na magkaroon ng mas maaliwalas at mas malusog na pamayanan, kasabay ng pagtataguyod ng mas malapit na ugnayan ng bawat isa sa kalikasan.

Janieca Edejer/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon