Patuloy na dinarayo ng maraming residente at turista ang Bayan Park sa Aurora Hill, Baguio City, bagama’t patuloy pa rin ang ilang bahagi ng pagsasaayos nito. Nagmistulang all-in-one ang parke sa kabi-kabilaang aktibidad na maaaring magawa rito. Ayon kay Marcelino Pascua, tuwing umaga, mula 7 a.m. hanggang 9 a.m. ay naglalakad-lakad siya rito, at maraming kagaya niya ang nag-eehersisyo. Gayundin ang mga pamilya na pinipiling dito magtungo habang bakasyon pa ang mga bata. Ayon kina Mercy at Joy, na kapwa nagdala ng kanilang mga anak para maglibang, ang Bayan Park ay may sapat na espasyo para sa mga aktibidad ng buong pamilya. “Uulitin naming mag-piknik kapag may time. Maganda yung hangin—fresh,” pahayag nina Mercy at Joy. Dagdag pa nila, “May space sila [mga bata] for playing.”
Gayunpaman, kaakibat ng pagdami ng mga bumibisita ay ang hindi maiwasang usapin ng kalinisan. Isang paalala ang nais iparating ni Abraham Manding, isang Permanent Job Order personnel na naka-assign sa parke. “Kahit pagsabihan [ang mga tao] na hindi iwan ang basura, iiwan pa rin, magkakalat pa,” aniya. Sa karanasan ni Manding, simula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, tuloy-tuloy ang kanilang pagpupulot ng basura sa buong paligid ng parke. “Kaya hindi pwedeng hindi papasok yung mga Job Order, lalo na tuwing Sabado at Linggo.” Dagdag pa ni Manding, dalawang beses kada araw hinahakot ng Waste Management truck ang basura mula sa parke—isang patunay ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng lugar. Tuloy-tuloy ang pagsasaayos sa Bayan Park, katulad na lamang ng pagdagsa ng tao. At nangangahulugan ito na padaluyin pa ang mensahe at paalala, na panatilihin ang kalinisan dito.
Glyna Ritch Sabado – Social Media Team / UC Intern
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 1, 2025