BCPO UMARANGKADA SA ANTI-GRAFFITI CAMPAIGNE

BAGUIO CITY

Papaigtingin ng mga itinalagang tauhan ng Anti-Graffiti Task Force ang kanilang kampanya laban sa “graffiti vandalism” para mapanatili ang kalinisan sa lungsod, matapos ang kanilang pulong na ginanap sa Kapanalig Hall ng Baguio City Police Station,noong Pebrero 10. Ang pulong ay
pinangunahan ni City Director Francisco Bulwayan,Jr., City Social Welfare and Development Officer (CSWDO) Liza Bulayungan; Sangguniang Kabataan Federation President, City Councilor Levy Lloyd Orcales; BCPO Command Group at mga station commanders.

Nakatuon ang pagpupulong sa paglikha ng Anti-Graffiti task force na isesentro sa pagsubaybay sa mga aktibidad ng mga indibidwal at gangs na sangkot sa “graffiti vandalism”. Asahan din umano ang inspeksyon sa iba’t ibang parke at lugar sa lungsod upang matukoy ang mga lugar na may ‘graffiti vandalism’. Ang pagpupulong ay nagtapos sa paggawa ng solusyon upang mapagtuunan
ng pansin ang iba’t ibang klase ng bandalismo at gang violence sa siyudad sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa siyudad ng Baguio.

Mahigpit na ipatutupad ng kapulisan ang ordinansang Anti-Graffiti Code of the City of Baguio o tinatawag na Ordinance No. 041 series of 2008, at Street Gang Deterrence Ordinance of 2021 o Ordinance No. 99 series of 2021. Kaugnay nito, inatasan na ni Bulwayan ang kanyang mga yunit na palakasin ang mga diyalogo sa mga opisyal ng paaralan upang turuan at isali ang mga mag-aaral sa
kampanyang anti-graffiti.

Noong Pebrero 16, nakipag-ugnayan ang kapulisan sa Baguio City National High School (BCNHS), sa pamamagitan ni Claire Herman, school head teacher, para himukin ang estudyante na lumahok sa isang anti-graffiti aktibidad Upang ipakita ang kanilang suporta sa kampanya, nagtipuntipon ang kapulisan, estudyante ng BCNHS at barangay officials ng Barangay Burnham Legarda upang linisin at muling pinturahan ang nasirang pader ng BCNHS sa kahabaan ng Governor Pack Road.

Ang pakikipagtulungang ito ng pulisya sa mga paaralan at barangay ay napapanahon at nakatutulong upang makamit ang layunin ng BCPO na wakasan ang graffiti vandalism, gayundin ang pagtuturo sa mga estudyanteng mahuling lumalabag sa anti-graffiti ordinance tungkol sa
kahalagahan ng paggalang sa publiko at pribadong ari-arian sa pamamagitan ng pagsaway sa kanila na linisin at muling pintura ang mga ito.

Photo and Story Kate Madisson Lamigo/UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon