MALASI UI, Pangasinan
Pinuri ng mga miyembro ng vulnerable sector sa Pangasinan ang kalidad at abot-kaya na bigas na mabibili sa halagang PhP20 kada isang
kilo sa ilalim ng “Benteng Bigas, Meron Na!” rice program, kung saan isinagawa ang ikalawang distribusyon sa bayan ng Lingayen noong Huwebes. Inihayag ni Nerma Zamora, 72, isang residente ng Barangay Poblacion, ang kaniyang kasiyahan sa kalidad ng bigas. “Wala itong amoy. Dati ay nagdadagdag ako ng pandan upang maalis ang amoy, ngunit ito ay magandang isaing at madaling ihanda. Tiyak na
pipila uli ako dahil mura ito at maganda ang kalidad,” ani Zamora.
Ibinahagi ni Zamora na apat ang anak, na nakabili siya ng pang-isang buwan na bigas sa maliit lamang na badyet. “Malaking tulong ito sa
amin. Maraming salamat po, Ginoong Pangulo. Mahirap ang buhay ngayon – wala na kaming pinagkakakitaan at umaasa na lamang kami sa aming mga anak.” Si Jovelyn Fernandez, 35, isang benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Barangay
Namulan, ay nagalak din sa pagbabalik ng programa.
“Ito ay PhP20 lamang at maganda ang kalidad ng bigas. Nasubukan na namin ito dati, kaya pumila uli kami,” ani Fernandez. Samantala, isang person with disability mula sa Barangay Libsong West, ay nagpasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtupad sa kaniyang pangako. “Magaling ang trabaho. Tinupad niya ang pangako niya. Sana magpapatuloy ito,” aniya. Sa isang panayam noong Huwebes ay sinabi ni municipal agriculturist Rodolfo dela Cruz, na puntirya nila ang mga sektor gaya ng senior citizens, persons with
disabilities, solo parents, at mga miyembro ng 4Ps bilang paunang mga benepisaryo.
Sinabi niya na may kabuuang 100 sako ang nakahanda noong Huwebes. “Ang Municipal Social Welfare and Development Office ay may masterlist ng vulnerable sector at kailangan nilang dalhin ang kanilang identification cards bilang patotoo na kuwalipikado silang
benepisaryo,” aniya. Idinagdag niya na ang lokal na gobyerno ay patuloy na humihiling ng karagdagang alokasyon ng bigas upang
mapanatili ang programa, na isang bahagi ng insiyatibo ng national Kadiwa ng Pangulo.
(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)