VIGAN, ILOCOS SUR – Sa pagbubukas ng Palarong Pambansa ngayong Abril 15, 2018 ay simula na ng tagisan ng mga atleta mula sa 17 rehiyon ng bansa sa tinaguriang pinakamalaki at pangunahing sporting event sa Pilipinas.
Kasabay nito ay ang paghahangad ng pamahalaang lokal ng Ilocos Sur na maipagkaloob ang pinakamahusay na karanasan sa mga atleta at delegado, sa unang pagdaraos ng Palaro sa probinsya. Ito ang kauna-unahang pag-anyaya ng Ilocos Sur sa pamumuno ni Governor Ryan Luis Singson, national president ng League of Provinces of the Philippines.
Inaasahan ni Singson na magiging maayos ang pamamalagi ng mga delegado na kung saan ay fully accommodated na sinagot ng provincial government ng Ilocos Sur ang transportasyon ng mga nanggaling sa Visayas at Mindanao at maging ang mga galing sa Manila.
“Sana maging the best Palarong Pambansa ang pag-host ng Ilocos Sur kaya ginawa namin lahat na sagutin ang transportation ng mga atleta at may free tour guide pa nai-provide ang provincial government sa mga gustong mamasyal sa makasaysayang tourist destinations sa lugar ng Vigan City upang sa mga susunod na araw ay maaari nilang ipasyal ang kani-kanilang pamilya. Ginagawa namin ito para maipakita ang hospitality ng mga Ilocanos.”
Ani Singson, “Malaki ang pasasalamat ko sa tiwala na ibinigay ng pamahalaan para maging punong abala ang Ilocos Sur sa isang linggong paligsahan ng Palarong Pambansa, pinaghandaan namin mabuti mula sa mga opisyal at komite ng DepEd para maayos ang lahat mula sa billeting areas ng mga delegado siniguro namin ang kaligtasan ng mga atleta sa kanilang paglalaro ay may sapat tayong mga tubig na nakahanda para maiwasan nila ang ma dehydrate at ma heat stroke may mga nakahanda rin tayong mobile emergency first aid unit.
“During the bidding ay nakahanda po ang provincial government na gumastos ng P100 milyon para sa preparation ng Palarong Pambansa na pondo para sa pagpapagawa ng mga maintenance rooms at comfort rooms ng mga atleta, school buildings na kailangang ayusin at ang stadium na gagamitin ay inayos namin na ginawang world class facility na may rubberized track at may artificial grass para sa football field na ito ang matatawag na ‘Home of the Athletes’ na pwedeng gamitin sa pag-ensayo ng mga atleta, kaya hinihiling ko sa mga alkalde na suportahan ang sport program para mabigyan natin ng incentives ang mga athletes at maging inspirasyon nila na magkaron ng interest ang pag-eensayo para tumaas rin ang ranking ng ating mga atleta sa Ilocos Region,” sabi ng gobernador.
Magtatapos ang Palaro sa Abril 21, 2018. ABN