BFAR, TINUPAD ANG PANGARAP NG MGA MANGINGISDA SA LA UNION

DAMORTIS, La Union

“Nung una, akala namin hanggang pangarap lang pero yung pangarap pala na ito ay matutupad din.” Ito ang nasambit ni Arnulfo Eslao Jr., presidente ng Damortis Fisherfolks Cooperative mula sa bayan ng La Union nang kanyang ilarawan ang tuwa na kanyang nadarama dahil sa pagkakaroon
ng kanyang grupo ng bangkang pangisda na maaaring magamit sa malawak na katubigan ng Rehiyon ng Ilocos at maging sa West Philippine Sea.

Pumapalaot lamang daw kasi ang katulad niyang maliit na mangingisda sa mga kalapit na baybayin sa kanilang lugar dahil sa maliit lamang ng kanilang bangkang ginagamit na pangkabuhayan. Ngunit, nito lamang ika-15 ng Disyembre, sa wakas ay natupad na rin ang pangarap ni Eslao at kanyang grupo nang kanilang tanggapin ang maagang pamasko mula sa Bureau of Fisheries and
Aquatic Resources (BFAR).

Ipinagkaloob na kasi ng BFAR sa Damortis Fisherfolks Cooperative sa ginanap na turn-over ceremony sa Josefa Slipways sa bayan ng Sual ang 62-footer steel-hulled ring net fishing vessel.
Ang Damortis Fisherfolks Cooperative ay mayroong mahigit 115 maliliit na miyembrong mangingisda at ang kauna-unahang grupo ng mga mangingisda sa bansa na nakatanggap ng nasabing bangka.

Ang fishing vessel na nagkakahalaga ng PhP38 million ay may kumpletong machinery at accessories na idinisenyo ng Department of Agriculture- BFAR. Ito rin ay may upgraded at naaangkop na kagamitan para mapahusay ang fishing capacity at production efficiency ng mga
mangingisda. Ayon kay Eslao, ang regalong handog ng pamahalaan na bangkang pangisda sa
kanilang grupo ay may kapasidad na makapaglulan ng hanggang 20 metrikong tonelada ng isda sa
tuwing sila ay maglalayag. Abot-tengang ngiti naman ang ibinigay ni Eslao at kanyang mga kagrupo bilang sukli sa pinagkaloob sa kanilang dagdag pangkabuhayan.

(EMA/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon