Bigyan ng pagkakataon ang panig ng katotohanan – sa tamang impormasyon

Maaari ay hindi mo lubos maisip na ang isang magiting at matapang na heneral na sinubok na ng matagal na panahon, sumabak sa maraming labanan at nalampasan ang maraming pagkakataon na mapahamak o mamatay sa ngalan ng tungkulin sa bansa at mamamayan at naging pamoso dahil sa paninindigan sa panig ng katotohanan naging sanhi man ito ng pagkaudlot ng kaniyang ultimong pangarap ay tumindig at matapang na ipinagtanggol ang katotohanan.
Si dating Police General Benjamin Magalong ay isang uri ng opisyal na hindi umaatras sa laban, yan ay napatunayan na niya sa panahon ng kaniyang serbisyo bilang isang pulis. Subalit nang maging alkalde na siya ng Lungsod ng Baguio ay naiba na ang kaniyang mundong ginagalawan, bagaman sanay na siyang humawak ng mga maseselang tungkulin ay marahil naiiba ang kasalukuyan niyang tungkulin bilang ama ng lungsod.
Ang bawat galaw at salitang binibitawan maging ang kaniyang personal o opisyal na mga pananaw sa mga isyu at problema sa lipunan at sa kabuuan ay hindi maiiwasang mapuna at mabatikos.
Muling uminit ang pangalan niya sa kamakailang pahayag ni National Task Force ELCAC Undersecretary Lorraine Marie Badoy at ng League of Parents of the Philippines na inaakusahan siyang kasabwat diumano ng mga maka-kaliwang grupo dahil sa naging kautusan niya sa police ng lungsod na tanggalin ang mga poster at tarpaulin na nag-uugnay sa mga insurekto at ang pakikisalamuha ng mayor sa mga cause-oriented groups na tila nagbibigay proteksiyon daw sa CPP-NPA-NDF front na Kabataan Partlist.
Hindi nagustuhan ni Magalong ang pahayag na ito at sinabing iresponsable, walang kabuluhan at di-makatuwiran. Isang insulto daw sa kaniya ang pahayag dahil itinaya niya ang kaniyang buhay sa paglaban sa mga insurekto.
Ayon kay Magalong ay nananatiling solido ang kaniyang suporta sa anti-insurgency program ng gobyerno na pinatunayan ng kaniyang pagiging pangulo ng regional task force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ngunit hindi niya kinukunsinti ang gawaing paglabag sa karapatang pantao ng mga aktibista gayundin ang mga intimidasyon, paninirang-puri at pagpilipit ng katotohanan sa social media. Nasa panig daw siya ng katotohanan at wala siyang ginawang masama upang maliitin ang ELCAC program.
Handa raw ang mayor na harapin si Badoy at iba pang nagpaparatang sa kaniya sa publiko at makipag-debate sa kanila. Sa panahong ito ng eleksiyon at ang panimula ng mga kampanya sa lokal na halalan ay hindi natin maisasantabi na ang lahat ng aksiyon, pahayag ay maiuugnay sa politika. Kasalukuyang nakaupo si Magalong na alkalde ng Baguio at tumatakbo sa kaniyang ikalawang termino.
Sa panahon ng kampanya ay mainit ang bawat yugto, sa isang kisap-mata ay maraming pagbabagong mangyayari. Ang bawat galaw at pahayag ng mga kandidato ay mabilis na nakikita at napapansin ng mga botante na kalauna’y nagiging basehan nila sa kanilang pagpili. Hindi natin sinasabi na namomolitika si Usec Badoy, subalit ang mga ganitong akusasyon sanhi ng tila hindi rin katanggap-tanggap ng ilan na naging aksiyon at desisyon ni Mayor Magalong ay mahahaluan ng politika at gamitin ng ilan upang siraan at pahinain ang tsansa ng isang nangungunang kandidato.
Walang kakulangan ng mga insulto, batuhan ng putik at kasinungalingan sa politika. Na kahit ilang beses pang sabihin ng isang kandidato na magiging isang positibo, nakasentro sa mga isyu ang kaniyang kampanya, pumapasok pa rin ang pagiging negatibo. Bakit? Dahil ang utak ng mga tao ay tumutugon dito. Dahil prinoproseso ng tao ang mga impormasyon base sa kung paano ito ipriniprisinta sa kanila.
Halimbawa, sa oras na inisip natin ang kasabihang ang baso ay kalahating di-puno, mahirap tandaan na ito ay kalahating puno din. Sa madaling salita ang utak natin ay sadyang nagawa na gumana sa isang partikular na pamamaraan na hanapin at tandaan ang negatibong impormasyon na ang katotohanang ito ay hindi nawawala sa mga politiko at partidong politikal.
At upang maituwid ang mga negatibong bagay ay kailangang ilahad ang bawat panig, mapakinggan at masuri para maproseso sa utak ng mga tao tungo sa kanilang tama at matalinong pagdedesisyon.

Amianan Balita Ngayon