Bikini, ipagbabawal sa beach? Whattt?

Daplis Walang Mintis Opinion

Hanoo??? Bikini, ipagbabawal sa beach? Ala, ey, ano bang nakaing tarukoy at siokoy ang nagpanukala niyan at bakit? Saan ba yaan?  Di sa beach! Saan nga, eh? Huwag kang maingay pards, ratsadahin natin ito at uriratin bago natin i-impeach at i-martial law.

**********

Saan? Doon daw sa mga beach o mga resort sa Palawan!  Haayy tengkyu, malayo sa North Luzon na dinadagsa ng mga terorista, este turista lalo pa tuwing Semana Santa at summer vacation. Eh, bakit daw? Ganire, isang babaeng board member ng Palawan ang nagpanukala (sa kanilang konseho o board) na dapat ay ipagbawal na ang pagsusuot ng bikini, T-back, at mga super liit na mga underwear o swimsuits kung sila’y maliligo sa dagat o beach resorts doon.  Kasi sa liit ng mga kasuotang nakabulatlat ay parang nakabalandra na rin sa mata ng madlang people ang langit, impiyerno at purgatoryo ng mga tinamaan ng  nagpepenitensiyang beauty.  May tanong agad: Dalaga ba yang board member na nagpanukala na di pa nadapuan ng kamay este, yapos ng nagmamalaryang pagmamahal? Daplis pa: baka naman daw wala siyang katawang ipapakita at baka inggitera? He he, relaks lang mga pards, ganire bay.

**********

Doon daw sa Palawan, ang mga beach ay malapit sa mga eskuwelahan at mga simbahan at kapilya isama mo na ang mga pamilihang pinapasyalan ng mga turista. Tapos? E, di siyempre, papasyal at maglalakad ang mga turista sa dalampasigan hanggang sa pasyalang-may bentang panregalo etsetera. Ang panis dito, ika ni board member: naglalakad ang mga burlis, este, halos hubot-hubad na mga turistang nakabikini at daraan sila sa gilid ng mga eskuwelahan at simbahan o kapilya. Tapos? Aba’y nagugulat tuloy ang mga batang mag-aaral sa kanilang mga suot na halos kita na ang mga itinatagong tilapia at karpa o puwede ring monamon! Sus ginoo! Mga bata ang mga yan tapos pakikitaan mo ng ganyang kademonyohan, di ba nakakasira sa kanilang murang utak at konsentrasyon sa pag-aaral. Hindi lang yan, upak pa ni board member: kapag naglakad ang mga tinalupang katawan na yan sa tabi ng mga madaraanang simbahan o kapilya, makakapag-concentrate pa kaya ang mga nagsisimba? Nakoww lalo na ang mga pari, pastor at sacristan, siyempre tigok ang pagtitimpi, di kaya?  Hmmm, parang me punto nga naman si board member, di ba? Eh, sabi naman ng mga mahilig sa seksing tanawin at nakakademonyong mga kurbada: ibig bang sabihin, ang mga maliligo sa beach ng Palawan ay naka-pajama o nakakapote? Sagot ni board member: puwedeng magbikini o mag-T-back pero napatungan ng muskitero, este tapis. Ayon!  Paglusong sa tubig, tanggalin ang tapis. Hmmm. Pag naglalakad lalo sa tapat ng school at simbahan, magkumot!

**********

May punto nga naman si board member lalo pa’t kanyang ibinulgar na meron pa raw mga pares ng mga turista ang nag-la-love-making sa gilid ng beach, yung medyo natatabingan ng damo at punong-kahoy. Sus maryakusina. Ganern? Pag sinisita raw nila, tatakpan lang daw ang mga mukha pero tuloy ang kanilang ligaya! Busittt! Aba’y dapat huliin ang mga yan at kasuhan. Hayy naku pards, huwag ka ng humirit pa baka tigpasin pa nila yang batuta mo. Kayong mga mapagmahal sa sharp curves ng mga Eva, say ninyo. May tumili: magpoprotesta raw sila gaya ng ginawa ng taga-Piston!  Patay! Susundan natin ire. Papasa kaya ang hiling ni Board?  Adios mi amor, ciao, mabalos!