LUNGSOD NG BAGUIO – Dahil sa patuloy na kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga mula noong manungkulan si Presidente Rodrigo Roa Duterte ay lumaki ang populasyon ng mga inmates lalo na sa mga naunang buwan ng malawakang kampanya kontra bawal na droga.
Ayon kay SJO2 Rolando Diwas ng Baguio City Jail, ang populasyon ng mga inmates sa kulungan ay doble na ng kapasidad nito. “Okey naman ang kalagayan ng mga inmates kaya lang medyo congested na dito kasi ‘yung facility natin supposed to be around 200 to 250 lang ‘yung kaya nito. Kaya ngayon lumobo nang lumobo. As of this morning, meron na tayong total of 520 inmates.”
Ayon kay Diwas, 23 hanggang 25 katao lamang ang capacity ng isang dormitoryo o mas malaking selda. Sa ngayon, mayroong 28 dormitory ang mga inmates sa city jail.
Aniya, pinakamarami pa rin ang bilang ng mga inmates na may kasong may kinalaman sa bawal na gamot na umaabot sa 54 porsyento.
Sa pinakahuling datos ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa lungsod ay umabot na sa 287 ang bilang ng naaresto dahil sa bawal na droga na kasalukuyang nakakulong.
“Iyong iba, bumabalik-balik din [sa paggamit ng droga],” ani Diwas.
Nilinaw ni Diwas na walang surrenderers na nakakulong sa city jail dahil nasa pangangalaga ito ng Baguio City Police Office (BCPO) at hindi mismo ng BJMP.
Nabanggit ni Diwas na may plano ang local government ng Baguio na ilipat ang city jail sa mas malawak na area. “Kaya lang wala pang naa-identify kung saan pero may initial na [sinabi] na ililipat dahil nga congested. Wala nang space para sa bagong inmate.”
Ayon kay Diwas, halos lahat ng mga nakakulong dahil sa bawal na droga, ay nasa adult age maliban sa isang juvenile na naipasok muli sa city jail noong Mayo 23. “Counted din [juvenile] sa bilang ng drug personalities pero may special [order] na hindi babanggitin ang pangalan, hindi kukunan ng litrato. Separated ang kanilang dorm.”
Paglilinaw nito, nauna nang naipasailalim ang nasabing juvenile sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) “kaya lang tumakas, kaya walang magawa ang korte para sa best interest of the child kaya dinala dito para safety daw, para hindi makatakas.” Adrian Trinidad, UC Intern
May 27, 2017
May 27, 2017