Binatilyo nailigtas sa tangkang pagpapakamatay sa Pangasinan

LUNGSOD NG DAGUPAN – Isang hindi pinangalanang binatilyo sa Barangay Tebeng sa lungsod na ito ang nailigtas ng mga awtoridad mula sa kaniyang tangkang pagpapakamatay noong Enero 23.
Ayon kay FO1 Miles Salesale ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng lungsod na rumesponde sila sa nasabing lugar ng insidente dahil sa kahilingan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
“Dumating kami sa lugar bandang 9:00 ng umaga habang ang CDRRMO, ang City Social Welfare and Development (CSWD) office at Mayor Belen Fernandez ay nakikipag-negosasyon sa binatilyo na nasa bubong ng bahay ng kanilang kapitbahay na may hawak na kutsilyo,” ani Salesale sa isang panayam sa telepono.
Aniya, mukhang maligalig ang binatilyo at nakatingin sa kawalan.
“Tumagal ang negosasyon hanggang 12 ng tanghali. Naging mahirap para samin na iligtas siya dahil sa hawak niyang kutsilyo,” dagdag pa ni Salesale.
Sinabi ni Salesale na ang binatilyo, ayon sa kaniyang mga kapitbahay, ay pumunta sa bubungan ng kanilang bahay at nagpalipat-lipat sa ibang bubong hanggang marating ang kinalalagyan niya kung saan siya ay nakuha.
“Matapos naming maibaba mula sa bubong ang binatilyo ay dinala siya ng CSWD sa kanilang bahay,” dagdag pa niya.
Samantala, ayon naman sa CDRRMO at CSWD ay humiling ang mga magulang ng binatilyo sa mga awtoridad na itago ang pagkakakilanlan ng kanilang anak..
HAustria, PNA/PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon