BISYO NG KABATAAN SA ALAK DUMADAMI – DOH

BAGUIO CITY

Itinuturing na isang epidemya ang tumataas ang bilang na nalululong sa pag-inom ng alak ng kabataan sa lungsod, ayon kay Ricky Ducas, City Coordinator ng Department of Health (DOH). Sa isang panayam, binigyang-diin niya ang mga ugat ng problema na nakaangkla sa kultura at lipunan. Mula sa dating simbolo ng pagkakaisa, ang alak  ay nag-evolve bilang isang hindi malusog na mekanismo ng pagharap sa problema ng maraming kabataan. “Nagiging laganap ang pag-inom ng alak bilang libangan at pinagmumulan ng epekto nito ay lubos na nakakaapekto sa kalusugan at mental na kalagayan,” pahayag Ducas.

Ipinaliwanag ni Ducas ang malubhang epekto ng sobrang paggamit ng alak, kabilang ang posibilidad ng pagkasira ng atay, pagbabagong dulot sa proseso ng utak, at neurologic disorders. Bukod dito, maaaring maapektuhan ang paghusga at mental na kalusugan ng isang tao, na maaaring mauwi sa self-harm. Upang tugunan ang problema, ipinatutupad ng lungsod ang iba’t ibang programa ukol sa mental health
at substance abuse. May mga lingguhang sesyon ang Alcoholics Anonymous (AA) sa City Social Welfare Office, Layunin ng mga programang ito na magbigay ng ligtas na espasyo para sa mga nais humingi ng tulong.

Sinusunod rin ng DOH-Baguio ang mga alituntunin ng World Health Organization (WHO) para sa detoxification at nirerefer ang malulubhang kaso ng alcoholism sa mga specialized hospitals para sa posibleng rehabilitasyon. Ayon kay Ducas, isa sa pinakamahirap tugunan ay ang kaso ng alcoholism, kaya’t nagsasagawa ang lungsod ng pangunahing screening para sa mga apektado. Isang nakakabahalang trend ang mababang antas ng paghingi ng tulong ng kabataan na may alcohol use disorder, sa kabila ng pagkakaroon ng mga support programs.

“Regarding sa statistics, yun nga yung nakakalungkot ano, kitang-kita naman natin na very rampant ang alcohol use lalo ma sa kabataan. So these are the indicators na alcohol is one of the culprit. Now with regards to the data, mababa ang help-seeking behavior ng mga tao na may alcohol use disorder. The youth don’t usually seek for help, yun ang mahirap kahit gusto namin silang matulungan.” ani Ducas. Ang pagdami ng mga inuman sa lungsod ay nagpalala pa ng problema, kung saan nagiging accessible ito sa kabataan bilang libangan at
paraan ng pagpapahayag ng damdamin. Binanggit ni Ducas na ang mga establisimyentong ito ay madalas dayuhin ng mga kabataan, na siyang nakakadagdag sa isyu.

Ayon sa Section 1 ng Article 4 ng Revised Liquor Ordinance ng Baguio City (Ordinance 1-1990), ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga establisimyento na nagbebenta o nagsisilbi ng alak sa loob ng 50 linear meters o 100 linear meters, depende sa kaso, mula sa anumang
paaralan, simbahan, ospital, o pampublikong gusali. Ang ordinansang ito ay naglalayong limitahan ang accessibility ng alak sa mga kabataan. Sa darating na halalan, hinikayat ang publiko na pumili ng mga lider na uunahin ang kaligtasan ng kabataang Pilipino. “Sana mabigyang aksyon ang mga establishments na malapit sa mga paaralan,” ani Ducas. Mahalaga ang pagpapataas ng kamalayan ukol sa negatibong epekto ng alak at pagpapaigting ng suporta mula sa komunidad. Sa patuloy na hamon ng alcohol endemic, mahalaga ang sama-samang pagkilos ng mga indibidwal, pamilya, at institusyon upang mabawasan ang epekto nito at mapangalagaan ang
kinabukasan ng kabataan ng Baguio City.

RBN(UB-Intern)/ABN

 

Amianan Balita Ngayon