LUNGSOD NG BAGUIO – Iginiit ni Mayor Mauricio G. Domogan na hindi maaapektuhan ng magkakaibang pamamalakad ng mga local government units ang katuparan ng Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba-Tublay (BLISTT).
Sinabi ng mayor na hindi papayagan ng mga miyembro ng BLISTT Governing Council ang personal na interes ng mga lokal na opisyal at ang pagpapatupad ng magkakasalungat ng patakaran ng mga LGU na makasira sa mga napagtagumpayan na ng konseho sa mga nakaraang dekada.
“We will not allow the gains of the BLISTT Governing Council to be simply derailed by the mistakes of some officials in some local governments in the implementation of policies which they believe to be applicable in their places but are contrary to the policies being imposed by other local governments within the BLISTT. We can easily talk things over among ourselves to settle problems that will arise in our efforts to improve the situation in our areas of jurisdiction,” ani Domogan.
Ang pagpapatupad ng bagong truck ban sa lungsod ay tinutuligsa ngayon ng mga opisyal sa probinsya at mga munisipyo ng Benguet, maging ang mga opisyal ng samahan ng mga truckers, dahil sa malaking epekto nito sa industriya ng gulay, na pangunahing nagpapatakbo sa ekonomiya ng Benguet.
Sinabi ni Domogan na ang mga lokal na opisyal ng Baguio at Benguet ay inaasahang nagkamit na ng “degree of maturity” upang maihiwalay ng mga ito ang personal na interes mula sa interes ng mas nakararami nilang mamamayan.
Aniya, ito ang dahilan kaya hindi niya nakikitang sapat na rason para hindi maitatag ang BLISTT bunsod lamang ng hindi pagkakaunawaan sa magkakaibang pamamalakad na maaari namang maitama anumang panahon.
Paliwanag pa ng mayor, ang mga lokal na opisyal ay mga tao rin na nagkakamali sa pagtupad ng kanilang tungkulin at maaari ding maitama ng mga ito ang sariling pagkakamali upang maiwasan ang negatibong epekto sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Domogan na laging nagsasagawa ng pulong kung saan mapag-uusapan ang mga isyu na nakakaapekto sa mamamayan ng BLISTT at malabong magkawatak ang BLISTT nang dahil lamang sa hindi pagkakasundo sa patakaran ng LGUs.
Kaya, aniya, kailangan ng mga lokal na opisyal na agad na matugunan ang ganitong mga isyu at gumawa ng adjustment sa pinakamadaling panahon para na rin sa ikabubuti ng publiko.
Ang Regional Development Council (RDC)-Cordillera ay nagsisilbing secretariat ng BLISTT Governing Council habang nakabinbin pa ang batas na nag-uutos sa pagtatag ng BLISTT Development Authority. BAGUIO PIO / ABN
July 1, 2017
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025