Binalaan ni Mayor Mauricio G. Domogan ang carnival operator sa Burnham Park na ang lokal na pamahalaan ay hindi mapipigilang tuluyang ipasara ang operasyon kung magmamatigas ang management tungkol sa pagsunod sa mga safety requirements.
Paliwanag ng mayor na ang naunang binigyan ng awtorisasyon ay ang operasyon ng ibang palaro na ligtas habang ang mga hindi ligtas na sakyan ay kailangang i-certify ng eksperto bago mag-umpisa ang operasyon.
“We are disappointed to learn that the operation of the rides that were found to be unsafe already started operations when the operator was not able to present the required safety certificate from an expert. We have reiterated to the operator that the rides that were found to be unsafe should not resume operation until certified safe,” diin ni Domogan.
Noong nakaraang linggo, iniutos ng mayor ang pansamantalang pagsasara ng carnival matapos makita ng mga eksperto mula sa City Buildings and Architecture Office (CBAO) na ang mga nakalagay na rides ay hindi ligtas, at inirekomenda na kailangang suriin ng operator ang mga kinakailangang hakbang upang maisaayos ang mga sira ng rides bago bumalik sa operasyon.
Kabilang sa mga natuklasang sira sa rides sa carnival site ay ang paggamit ng pin nails na dapat ay volts, paggamit ng bulok na kahoy, tumatagas na langis, hindi pantay na base, walang safety seatbelts ng rides, at mga lumang materyal na ginamit sa lugar.
Ayon pa sa kaniya, hindi ikukumpromiso ng pamahalaang lungsod ang kaligtasan ng publiko na tumatangkilik sa amusement rides sa loob ng children’s playground kung kaya’t pinaalalahanan niya ang operator na siguruhing ligtas ang mga gagamiting rides upang hindi masira ang pagbisita ng mga tao sa parke.
Nauna rito, binigyan ng permiso ang Manila-based carnival operator na mag-operate ng amusement rides sa bahagi ng children’s playground ng 90 araw upang mabigyan ang publiko ng karagdagang kasiyahan sa Burnham Park.
Ang naunang iminungkahing lugar ng carnival operation ay sa Melvin Jones football ground subalit agad na tinanggihan hanggang nakumbinsi ng operator na magtayo na lamang ng amusement rides sa children’s playground.
Binigyang-diin ni Domogan na malinaw sa kaniyang sulat sa operator na ang kasalukuyang amusement rides ay kinakailangang mabigyan ng certificate of safety ng accredited safety expert bago payagang mag-operate upang masiguro ang kaligtasan ng publikong tumatangkilik ay maprotektahan sa kung anuman hindi sinasadyang insidente na magkokompromiso sa kanilang kaligtasan sa hinaharap.
Dagdag pa niya na dapat ipagpatuloy ng CBAO ang pagmo-monitor ng operasyon ng amusement rides at siguruhin na anumang hindi pa nabibigyan ng certificate of safety ay hindi pa papayagang ioperate habang ang mga palarong ligtas ay maaari namang ioperate.
Sa ilalim ng kasunduan, ang operator ay ipinag-utos na magbayad sa lokal na pamahalaan ng P500,000 bilang upa sa paggamit ng bahagi ng children’s playground para sa tatlong-buwang carnival operation na pinayagan ng local legislative body ayon sa naaprubahang resolusyon. BAGUIO PIO / ABN
April 14, 2018
April 14, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025