“CATCH-UP FRIDAYS” BIGYAN NG PAGKAKATAON

Iniulat ng Department of Education (DepEd) ang matagumpay na unang Catchup Friday noong Enero 12, 2024 sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Ayon sa Curriculum and Teaching Strand CTS), ang unang Catch-up Friday ay tumutok sa Drop Everything And Read (DEAR) na tinukoy sa DepEd Memorandum No. 001 s. 2024 na ang buwan ng Enero ay ilalaan sa aktibidad. Ang programang “Catch-up Fridays” ay inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Z.

Duterte noong nakaraang taon na magsisimula sa Enero 12 upang mapahusay ang kakayahan sa
pagbasa at pagsulat ng mga mag-aaral sa elementarya. Hinihikayat din ng DepEd ang mga pribadong paaralan na iataguyod ang Catch-up Fridays na layong magbigay ng mga oportunidad na pataasin ang academic performance ng mga mag-aaral partikular ang mababang antas ng kasanayan (low proficiency levels) sa pagbabasa base sa kamakailang national at international large-scale assessments.

Sa memorandum ng DepEd ay sinabing ang Catch-up Fridays na mahalaga sa National Reading and Mathematics Programs na kritikal sa mga subprogram ng National Learning Recovery Program ng ahensiya. Patatakbuhin din nito ang National Reading Program gayundin ang Values, Health, at Peace Education and Homeroom Guidance Program. Niliwanag ng DepEd na ang mga aktibidad sa panahon ng Catch-up Fridays ay hindi mamarkahan. Nilinaw din ng DepEd na ang regular na mga klase ay gagawin mula Lunes hanggang Huwebes at ang Biyernes ay ilalaan sa pagbabasa ng mga aralin at ang opisyal na polisiya para dito ay ilalabas sa Disyembre.

Ang kakayahang bumasa at magsulat ay isang saligang kasanayan (karapatang pantao) kung saan karamihan ng Pilipinong estudyante ay nahihirapan. Ayon sa World Bank data noong 2022, 90 porsiyento ng kabataang Pilipino sa huling edad ng pangunahing paaralan ay nahihirapan sa pagbasa ng simpleng teksto. Gayundin, sa Programme for International Student Assessment (PISA) survey noong 2018 ay natuklasan na ang 15-taong gulang na mga mag-aaral sa Pilipinas ay may pinakamababang marka sa pagbabasa sa buong mundo, kapantay ng Dominican Republic kung saan nasa ika-76 puwesto tayo sa 79 na bansa sa reading comprehension.

Ang resulta ng PISA 2022 ay ilalabas na malapit na panahon kaya umaasa ang DepEd na sa inisyatiba (Catch-up Fridays) ay makakatulong bumuti ang bilang ng Pilipinas sa darating na mga taon. Nagkaroon na ng dalawang resulta ng PISA at hindi pa bumuti ang mga marka ng mga Pilipinong mag-aaral kaya kinailangang magkaroon ng pagbabago at gumawa ng mga paraan. Ayon kay VP Sara Duterte ay susubukan ang paraang ito at kung may pagbabago ay gagawin sa loob ng anim na taon sa buong termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at habulin ang dapat habulin na kailangang matutunan ng mga mag-aaral.

Mataas ang pag-asa ng maraming magulang at guro na makakatulong ang programang ito upang mapahusay ang kakayahan at kasanayan ng mga bata, subalit gaya ng dati may mga ilan na tumutuligsa dito. Naghayag ng pag-aalala ang isang grupo ng mga guro at ilang mambabatas ukol sa “Catch-up Fridays” at sinabing ang istruktura ng programa at paghahanda ng mga guro para sa implementasyon ay mukhang may kakulangan at nagulo ang iskedyul ng mga guro at estudyante.

1000 POUND BOMB

HALAGA AT PAHAYAG

Amianan Balita Ngayon