Communal forest sa Benguet, mahigpit na binabantayan

LA TRINIDAD, BENGUET – Lalo pang pinaigting ng pamahalaang lokal ang pagbabantay sa communal forest sa Puguis matapos na may nadiskubre na may mga nagtatangka muli na patayuan ng bahay ang sakop nito.
Ayon kay Lester P. Madino, Enviroment Management Specialist I, nakita ng forest rangers na may dalawang istruktura na ipinapatayo sa communal forest. “Dali-dali nila ito inaksyunan at pinagkukuha ang mga gamit na paggawa ng bahay at nilagyan nila ito ng bakod at nilagyan ng malaking signage na ito ay communal forest.”
Dagdag pa niya na wala dapat mag-angkin sa lugar dahil ito ay pag-aari ng pamahalaan.
Aniya, kailangan protektahan ang communal forest dahil dito nagmumula ang pinagkukunan ng malinis na tubig bilang isang watershed at hindi ito maaaring pagtayuan ng bahay o ano pa mang pribadong istruktura.
Hindi lamang sa Puguis ang may communal forest sa La Trinidad kundi maging ang Alno, Alapang at Shillan.
Ayon kay Arthur A. Pedro, isang environment management specialist, “Under the law since 1922 ay pag-aari na ito ng government ng La Trinidad pero sa mga claimants ay after 1960, mayrong umaangkin sa nasabing area. Pero nauna ang proclamation ng La Trinidad na hindi ito pwedeng angkinin o patayuhan sa nasabing area.”
Sa ngayon ay double bantay ang lokal na pamahalaan kasama ang mga forest rangers sa communal forest upang walang kahit isang makalusot na mag-aangkin sa lupang sakop nito. MARK PAUL K. PERALTA, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon