Malaking pagtitipid at kaginhawahan sa mga residente, ang kasalukuyang programang “Libreng Sakay” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board-Cordillera sa Summer Capital, kabilang ang ilang ruta sa rehiyon.
Sa nakalipas na isang buwan ng operasyon nito na nagsimula noong Abril 16 ay nakapagsilbi na ito ng higit sa isang milyong commuters, maging ang ilang mga turista na patungo sa mga lugar ng Central Business District.
May kabuuang 76 na modernized public utility vehicles mula sa Baguio City,Benguet at Mt. Province na kasali na sa pagbibiyahe sa pitong ruta.
Ang mga ruta ay ang Baguio Plaza – Trancoville, Baguio Plaza – Aurora Hill, Baguio Plaza – BGH – Campo Sioco at Baguio Plaza – Camp 8- Poliwes- San Vicente at Bontoc – Bauko sa Mt Province, Ambayao – La Chesa, Baguio City, Baguio City – La Trinidad sa Benguet.
Ayon sa LTFRB-Cordillera, ang libreng sakay na bahagi ng service contracting program ng ahensya, at pinondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act ay hindi lamang nakikinabang sa mga commuter kundi pati na rin sa mga driver at operator.
Ang mga operator at driver na lumahok, ay makakatanggap ng isang beses na pay-out at lingguhang pagbabayad sa libreng sakay na programa ng gobyerno at ang mga pagbabayad ay dapat na nakabatay sa bilang ng mga kilometrong bibiyahe kada linggo kahit na wala silang pasahero.
Ang service contracting program na ito ay may badyet na P7 bilyon at sumasaklaw sa humigit-kumulang 1,000 ruta sa buong bansa na may tinantyang participation rate na 13,000 hanggang 15,000 public utility vehicles.
Ang programa ay naglalayong tulungan ang mga driver at operator na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Inaasahan ng ahensya na ang programa ay makikinabang sa mas maraming commuters dahil ang iba pang mga ruta ng ‘Libreng Sakay’ na magbibigay ng serbisyo sa mga health worker ay bubuksan sa mga susunod na araw.
Zaldy Comanda
April 19, 2025