CUP OF JOE, NAGPAULAN NG EMOSYON ANG BAGUIO SA WISH BUS PERFORMANCE

BAGUIO CITY

Sa kabila ng malakas na ulan at malamig na simoy ng hangin sa lungsod, maraming tagahanga ang hindi natinag para saksihan ang live
performance ng Baguio-based indie-pop band na Cup of Joe sa sikat na Wish 107.5 Bus sa tapat ng SM City Baguio, noong gabi ng Mayo 23. Ang SM City Baguio ay tila naging dagat ng payong at ilaw ng cellphone at habang bumubuhos ang ulan ay sabay-sabay ring umaawit ang mga tao sa mga paboritong kanta ng banda gaya ng “Bagyo,” “Misteryoso,” at higit sa lahat ang kanilang pinakabagong tagos-sa-pusong awitin na “Multo.” “Kahit basang-basa kami, ok lang kasi iba parin talaga pag narinig mo sila ng live” ani ng isang fan na sumama sa koro ng daan-daang umaawit sa ulan.

Ang Multo, na tampok na kanta sa kanilang debut album na Silakbo, ay nagsilbing highlight ng gabi. Habang kinakanta ng banda ang bawat linya tungkol sa pagdadalamhati at mga alaala ng nakaraan, tila mas naging makapangyarihan ang bawat salita sa ilalim ng ulan na para bang mismong panahon ang nakikiayon sa lungkot at ganda ng kanta. Ang gabing iyon ay hindi lamang basta gig, isa itong patunay ng koneksyon ng banda sa kanilang mga tagapakinig, koneksyon na hindi kayang maputol, kahit pa ng ulan. Sa halip na sumilong,
sumabay sila sa agos ng musika habang hawak ang mga payong sa isang kamay at cellphone sa kabila, sabay-sabay na umawit at lumuha. Inaasahang ilalabas ang opisyal na video ng kanilang Wish Bus performance sa YouTube channel ng Wish 107.5 sa mga darating na linggo.
Ngunit para sa mga nandoon, walang makakapantay sa karanasang iyon; isang gabi ng ulan, musika, at multong hindi nila kailanman malilimutan.

Noel Celeste/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon