BAGUIO CITY
Muling naglunsad ng free rabies vaccination ang City Veterinarian and Agriculture Office (CVAO) sa ilalim ng “Libre Kontra Rabies” para
paigtingin ang kampanya na mabakunahan ang mga aso, pusa sa siyudad ng Baguio. Pinapayuhan ang mga residente na abangan o’ tignan
ang mga skedyul ng free rabies vaccination sa bawat barangay sa pamamagitan ng FB social media account ng CVAO. Mahigit 70 aso at pus ana nabakunahan kontra rabies sa Barangay San Vicente noong Marso 11. Ang programa ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na labanan ang rabies at mapanatili ang kaligtasan ng mga alagang hayop at ng komunidad.
Ibinahagi ni Bellamy “Billy” G. Payad, isang Rabies Vaccinator ng CVAO, ang kahalagahan ng pagpaparehistro ng mga alagang aso. Ayon kay Payad, mayroong 50 pesos na registration fee na napupunta sa barangay. “Kapag nabayaran na, wala nang babayaran,” dagdag pa niya. Ayon sa City Ordinance No. 19, Series of 2021, lahat ng aso na tatlong buwan pataas ay kailangang irehistro sa Barangay o sa CVAO. “Mas maganda kung i-register nila kasi may multa yung hindi nagparehistro ng aso,” pahayag ni Billy.
Ang pagrehistro ay hindi lamang isang legal na obligasyon kundi isang hakbang din para sa kaligtasan ng mga aso at kanilang mga may-ari. Lahat ng barangay sa Baguio City, maliban sa central business area, ay nagkakaroon ng libreng rabies vaccination dalawang beses sa isang taon. Ito ay nakadepende sa kung 80% na ng dog population sa isang barangay ang bakunado. Kapag naabot na ang target na ito, hindi na ito binabalikan, kaya’t mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga residente. Ang buwan ng Marso ay kilala rin bilang Rabies
Awareness Month, pero nilinaw ng CVAO na hindi lamang sa buwang ito isinasagawa ang mga ganitong programa.
Ang layunin ng CVAO ay mabakunahan ang 4,000 na aso at pusa sa iba’t ibang barangay ng Baguio City sa loob ng limang taon, na nagpapakita ng pangako ng lokal na pamahalaan sa kalusugan ng mga alagang hayop. Sa kabuuan, ang libreng rabies vaccination ay hindi
lamang nakatutulong sa mga alagang hayop kundi pati na rin sa kaligtasan ng buong komunidad. Ang pakikilahok ng mga residente ay mahalaga upang maabot ang mga layunin ng programa at mapanatili ang kalusugan ng mga hayop at tao sa Baguio City.
Joshua Ebalane/UB-Intern
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025