DALANGIN: HULING SANDATA KONTRA GIYERA

umiklab ang tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran. Mitsa na ito ng mas matinding bakbakan. Tiyak maraming bansa ang apektado. Isa na rito ang Pilipinas. Sa ulat…may mga humigit­kumulang sa tatlumpong libo ang mga kababayan nating nasa Israel at kulang-kulang na dalawang libo naman ang nasa Iran. Paano na? Gustuhin man nating mga kababayan lalo na yong mga nasa Qatar at Bahrain ang umalis eh, isinara naman ang “air space” nila. Ipit sila sa loob. Humupa man ang matinding bombahan, patuloy pa rin ang gyera sa pagitan ang Iran at Israel.

Ayon sa Vatican, kinakailangan sa panahong ito ang pagkakaisang manalangin para humupa ang tensiyon sa Gitnang Silangan. Kaya tama ang napapanahong amuki ng Vatican na ang nagkakaisang dalangin ng lahat para sa kapayapaan sa rehiyon ang kailangan. Base sa praktikal na pananaw, bakit sa mga lugal na naturingang “pinagpala” ng Panginoon ay doon nagkakaroon ng matinding tensiyon? Doon na kung saan dumaan ang mga turo at malasakit ng Poong Hesus…at doon din siya ipinako sa Krus…ay doon pa nagaganap ang matinding tensiyon? Tanong nga ng mga analsyst: ito kaya ay isa na namang pagsubok at badya ng mas matindi pang delubyo sa maaring magaganap sa hinaharap? Hindi man daw mauulit ang pagbaha gaya ng nangyari sa panahon ni Noah.

Hindi kaya naman “apoy” ang gugunaw sa mundo? Maraming mga kuro-kuro ang nagsusulputan ngayon dahil nariyan na ang mga sensyales. Sundot naman ng ilan: ito ay maaring tapik lamang ng Panginoon bilang paalala sa mga nakakalimot sa Kanya. Base sa nasusulat sa Biblya, nang ibinaba ng Panginoon ang kanyang “Sampung Utos” ay napapanahon na dahil sa imbi, kabuktutan at pagmamalabis na ng mga nilalang. Ngunit ala­ala rin na may nabanggit sa Banal na Aklat na sinabing kahit isa lang ang nananalig sa “Kanya” ay hindi niya sasalingin ang buong lugal.

Kung ito ang katotohanan…dapat nga tayong tumalima sa panawagan na ang pinakamabisang sandata ngayon ay DALANGIN AT PAGBABALIK-LOOB SA KANYA. Eto po ay kaisipan ng DAPLIS at iginagalang namin ang paniniwala ng bawa’t relihyon. Ayon sa pinakahuling mga ulat…gumagawa na ng mga paraan ang ating pamahalaan upang matulungan ang ating mga kababayang naiipit sa giyera ng Israel at Iran. Ang ating embahada sa Gitnang Silangan ay kumikilos na upang tulungang mailikas ang ating mga kababayan na nagnanais na ring makauwi dahil sa digmaan. Sa datos…may mga nakarating na sa ating bansa at tinutulungan ng ating gobyerno.

Ang masaklap, may mga kababayan tayong nasa Israel at Iran ang ayaw umuwi dahil wala daw silang hanap­buhay dito. Ibig sabihin na makikipagsapalaran pa rin sila doon kahit delekado. Dito nasusukat ang matinding pangangailangan upang mabuhay ng maalwa. Sabagay, kung hindi dahil sa kagustuhang makaalpas sa kumunoy ng kahirapan, hindi nila isasakripisyo ang kanilang buhay sa ibang bansa kahit malayo sa kanilang mga pamilya. Ang ating bansa ay nahaharap din sa iba pang tensiyon sa kasalukuyan. Ito ang iringan sa West Phil. Sea dahil naman sa Tsina. Sana, huwag namang lumala at mahanapan ng tunay na solusyon. Idalangin natin ang mapayapang solusyon sa lahat ng tensiyon. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon