DAPAT NGA BANG GINIGISA ANG NGCP?

Umani ng katakot-takot na batikos ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga malawakang brownouts sa Luzon hanggang Visayas kamakailan. Ngunit depensa ng NGCP,
samut-saring kadahilanan ang nagdulot sa mga nagdaang aberya sa Luzon, bagay na sumususog lamang sa pinapanukala nitong mas mahusay na pagplaplano ng tatlong sangay ng energy supply chain – ang generation, transmission at distribution.

Nilinaw ng NGCP na maraming dahilan ang nakaapekto sa mga grid alerts at mga insidente sa grid na naisapubiko nitong mga nakaraang araw. Ang system disturbance at malawakang kawalan ng
kuryente sa Panay Island noong April 27-29 at ang red alert sa Luzon ay resulta ng sunudsunod na pangyayari na nakaugnay sa panawagan ng NGCP para sa mas maayos na power system planning sa tatlong sangay ng energy supply chain.

Sa nangyaring grid collapse sa Panay Island, gumana ng naaayon sa sistema nito ang protection
systems ng NGCP at nakacoordinate ito sa generation at distribution customers. Sa paliwanag ng NGCP, dapat ay ang mga customer lang na nakakabit sa linyang nagtrip ang na-disconnect mula
sa grid. Hindi raw inaasahan ang pag-disengage ng isang power plant mula sa transmission system. Nagdulot ito ng malalang undervoltage at underfrequency na direktang dahilan ng pagbagsak ng iba pang planta at pag-collapse ng Panay sub-grid.

Ang mga sumunod na insidente noong April 28 at 29 ay resulta na rin ng mga pangyayaring maaari
naman sanang maiwasan noong April 27. Kaugnay naman sa Luzon red alert noong May 8, napagalaman sa imbestigasyon ng NGCP na nag-trip ang BoloMasinloc 230kV Line 2. Ito ay N-1, o gumagana bilang redundancy. Ang load na nakakarga sa Line 2 ay automatic na nalipat sa Line 1.
Kaya ng Line 1 o Line 2 na dalhin mag-isa ang buong loading ng Bolo-Masinloc 230kV Line anumang oras.

Ngunit dahil sa hindi inaasahang pagbagsak ng planta, nagdulot ito ng red alert. Sa kabila ng mga aberya, nangangako ang grid operator na NGCP na tapusin nito ang mga malalaking transmission
projects sa mga susunod na mga buwan upang mas maayos pa ang transmission system at lalo pang masuportahan ang power system. Naniniwala ang NGCP na ang nararapat na tahakin ng power industry sa ating bansa ay isang holistic approach – ang pantay-pantay na pagpapaunlad sa generation, transmission at distribution ng kuryente.

Sa bahagi ng tumatanda na noog transmission system mula nang igawad na tungkulin nito noong 2009, napalawak ang transmission network sa pamamagitan ng pagtustos ng P300 bilyon upang kumpunihin ang 3,729 circuit-kilometers na transmission lines, 28 bagong mga substations at
karagdagang 31,190MVA na transformer capacity. Samakatwid, maasasabi ba nating mayabong ang
kasaysayan ng NGCP sa 14 taon nitong pamamahala sa grid transmission?

Amianan Balita Ngayon