Department of Disaster Resilience panapat ba sa mga sakunang walang babala?

Editorial

Eksaktong 32 taon ang nakalipas, ang biglang malakas at medyo matagal na pagyanig bandang 8:45 ng umaga noong Hulyo 27 na sumentro sa Abra at naiulat na umabot sa magnitude 7.3 ay malakas ding naramdaman sa maraming lugar sa Luzon kabilang ang Metro Manila, ay muling nagpa-alaala sa bangungot ng kilabot na Hulyo 16, 1990 killer-earthquake kung saan napinsala ng husto ang lungsod ng Baguio at maraming lugar sa Luzon – sa parehong buwan ng Hulyo ilang araw lamang ang pagitan.

Ang Pilipinas ay pangalawa na ngayon sa mga bansang matitinding-tinatamaan ng likas na mga kasakunaan sa nakalipas na 20 taon na may mga epekto sa kalagayan ng panahon na pinapalala ng pagbabago sa klima.

Kasunod ng lindol ay binigyan-diin ng ilang mambabatas ang pangangailangan para sa Department of Disaster Resilience dahil naniniwala sila na mapagsama-sama at mapapalakas ang government resources tungo sa isang mas nagkakaisang kahandaan sa sakuna, pagtugon, at istratehiya sa pamamahala.

Sa oras dawn a maitatag ito ay magkakaroon ito ng isang cabinet secretary-level na departamento na ang pangunahingtrabaho ay hindi lamang limitado sa pagbibibgay ng agarang tulong kundi sisiguruhin ang mabilis na pagbangon at rehabilitasyon ng mga apektadong mga komunidad.

Dahil din daw sa pagiging madaling tamaan ng mga likas na kasakunaan ang bansa ay kailangan ng isang ganap na nasimulang departamento na nakatutok sa kahandaan sa sakuna, pagtugon at pamamahala. Ang panukalang departamentong ito ay mahusay na planuhin at makipag—ugnay sa mga kinauukulang ahensiya at local government units sa disaster mitigation at management.

Suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang hakbang na lilikha sa Department of Disaster Resilience dahil na rin sa nangyaring lindol. Ayaw daw niyang banggitin ngunit tila mapapadalas na ang mga sakuna, hindi lamang lindol dahil sa napakasamang lagay ng panahon. Kaya kailangan daw na mag-ingat tayo at kailangan na natin ng mas maraming kapabilidad kaysa mayroon tayo ngayon. Magaling na raw tayo sa bagyo at lindol subalit ang mga panganib at epekto ng pagbabago ng panahon ay iba, kaya kailangan ng espesyalistang ahensiya.

Sang-ayon naman si Senator Imee Marcos na kailangan ng isang sangay ng gobyerno na tutugon sa ganitong mga likas na kalamidad gaya ng United States’ Federal Emergency Management Agency (FEMA). Binigyan-pansin niya na kalimitang kulang sa pondo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council dahil isa lamang itong coordinating agency at ilan sa mga pondo nito ay nailipat sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Hindi daw makakilos ng husto ang NDRRMC dahil konti na lang ang badyet na halos namamalimos na ito sa iba’t ibang department, sa quick response fund ng Department of Agriculture, ng Department of Social Welfare and Development. Kaya kinakailangan dawn a magkaroon na mas malakas na ngipin. Sa kabila nito ay hindi pabor si Senator Imee Marcos sa paglikha ng isang panibagong departamento dahil sa kasalukuyang tindig ng administrasyon sa “rightsizing” ng burukrasya. Ang agad na pagkakaroon daw ng departamento ay mauubos lang sa sahod ng mga undersecretary at assistant secretary, kaya iminungkahi niya na subukan muna ang isang authority o kaya administration o kaya council.

Isang bagay na mas maliit na hindi kailangan ang ganap na departamento. Isang authority na direktang nasa ilalim ng pangulo na may sariling kapangyarihan at trabaho, gayundin ang ilang bagyet at mas malakas na ngipin. Nasa 74 porsiyento ng mga Pilipino at 80 porsiyento ng kalupaan ng ating bansa ang nakalantad sa banta ng mga likas na kalamidad kaya ang ‘bagong bormal’ ay nangangailangan ng isang mas tutok at mas malalim na atensiyon kung paano natin maiintiduhan, maghanda at rumesponde sa mga likas na sakuna.

Taon-taon na lamang ay tinatamaan ang bansa nga mga kalamidad at sakuna at tama si Pangulong BBM, tila mapapadalas na ito kaya huwag na rin sanang magpatumpik-tumpik pa ang mga mambabatas at huwag ng mag-aksaya ng panahon sa paikot-ikot na deliberasyon dahil kung sa mga kalunsuran tumama ang nakaraang lindol ay tiyak napakalaki ng kasiraan sa imprastruktura at ari-arian lalo na ang bilang ng mga taong maaaring maging biktima – nakahihindik na pangyayari ang napakatinding sakuna ay walang babala.