Umalma ang Department of Education (DepEd)-Cordillera Administrative Region sa panukalang mandatory drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa mga mag-aaral ng elementarya partikular ang mga Grades 4-6.
Kaugnay nito, nauna nang nagpahayag ng matinding pagtutol ang DepEd-national na pinangunahan ni DepEd Secretary Leonor Magtolis-Briones. Ayon sa pamunuan ng ahensya, hindi basta-bastang maipapatupad ang gustong mangyari ng PDEA.
Iginiit naman ni Georaloy Palao-ay, DepEd-CAR information officer, na mariin ding tinututulan ng DepEd-CAR ang nasabing panukala at suportado nila ang desisyon ni Briones.
“You have to think of the psychological, physiological, spiritual and emotional impact sa mga bata at pati na rin sa mga magulang,” giit ni Palao-ay.
Aniya, kung sakali mang maituloy ang drug testing para sa elementarya ay maari itong maging kontra sa Child Protection Policy ng DepEd na nag-oobliga sa kanila upang protektahan ang mga mag-aaral sa ano mang bagay na magdudulot ng kapahamakan sa kanila.
Dagdag pa niya na ang kailangan at mas mabuting gawin ukol sa isyu ng droga sa loob ng paaralan ay ang paigtingin ang mga kasalukuyang programa ng DepEd tulad ng Integration of Drug Awareness na sakop ng Music Arts Physical Education and Health (MAPEH) at Values Education subjects, at dapat din umano na pagtibayin ang Barkada Kontra Droga na isa ring programa ng ahensya.
Ang Barkada Kontra Droga ay parte ng National Drug Education Program na kaakibat ng National Dangerous Drug Board na naglalayong magtatag ng isang grupo na binubuo ng mga kabataan at iba pang miyembro ng komunidad. Dito isinasagawa ang oryentasyon ukol sa mga ipinagbabawal na droga, dito rin isinasagawa ang iba’t ibang aktibidad tulad ng sports na naglalayon ding ilayo ang kabataan na subukang gamitin ang bawal na gamot.
Sinabi naman ni Palao-ay na hindi dapat mabahala ang mga tao lalo na ang mga magulang ukol sa mandatory drug testing sapagkat nagkakaisa ang buong kagawaran ng edukasyon mula sa national, regional at division level na tumutuligsa sa nasabing panukala.
“Hindi po natin hahayaang ituloy ang drug testing sa mga bata, panghahawakan po namin ang desisyon namin na tutol kami na mangyari ito,” ani Palao-ay. ROMELO DUPO III, UC Intern / ABN
July 14, 2018
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025