Development ng Pampublikong Pamilihan Lungsod ng Baguio, May Nanalo Na Ba?

Editorial

Kahit paano ay may rason upang pansamantalang magbunyi ang mga tumututol na grupo sa pagpasok ng mga dambuhalang kompanya sa development ng pampublikong pamilihan ng Baguio at isang grupo ng mga vendor na nagnanais ding lumahok sa pagdebelop nito nang sabihin ng pamahalaang lungsod na hindi pa pinal na naibibigay sa Robinson’s Land Corporation (RLC) ang kontrata sa pagdebelop ng nasabing proyekto.

Noong Agosto 12 ay naungusan ng RLC ang SM Prime Holdings nang makuha nito ang boto ng “PPP for the People” selection committee kung saan nagawaran ang RLC ng original proponent status (OPS) upang makapag-negotiate ito sa isang public-private partnership (PPP) para sa konstruksiyon ng isang modernong pamilihan ng Baguio.

Kapuwa nag-alok ang dalawang malaking kompanya ng mga panukalang proyekto para sa modernisasyon ng pampublikong pamilihan ng Lungsod ng Baguio matapos makagawa ang isang technical working group ng isang PhP6 – bilyon na masterplan para sa apat na magkakarugtong na mga gusali, kumpleto sa maliliit na parke at sarili nitong mga daan at tulay. Ngunit ang masterplan ay inabandona ng makitang masyadong malaki ang halaga para sa lungsod, at dito na pumasok ang dalawang kompanya at isang grupo ng mga vendors at nagsumite ng kani-kaniyang mga panukala.

Ang technical at financial review ng mga proposal ng RLC at SM ay nananatiling confidential hanggang kumpirmahin ni Mayor Benjamin Magalong o i-veto ang mga boto noong Agosto 12 ng selection committee.

Ayon kay City Administrator Engr. Bonifacio Dela Pena na siya ring chairman ng screening committee, ang nabigyan ng OPS ay sasailalim pa sa tinatawag na Swiss challenge
kung saan hahamunin ng mga kompanyang hindi nagtagumpay na makuha ang nasabing OPS at iba pang mga interesado na kompanya sa pagdebelop ng pamilihang bayan ng lungsod kung saan ang kompanyang nakakuha ng OPS ay maaaring tapatan ang pinakamalakas na alok mula sa lumahok na mga developers.

Ayon kay Dela Pena, ang buong proseso mula sa pagbibigay ng OPS hanggang sa igawad ang proyekto ay tatagal hanggang walong buwan kaya nagtratrabaho ng husto ang komite upang masiguro na ang panukalang development ng pampublikong pamilihan ng lungsod ay maisakatuparan na.

Maaalalang umapela si Mayor Benjamin Magalong sa konseho ng lungsod na ikonsidera ang PPP-lease na modality ng proyekto upang mapabilis na ang realidad ng sobrang tagal ng pagbabago ng pamilihan ng lungsod.

Ngunit ang panukala na magkaroon pa ng mall sa pamilihang lungsod ay kinuwestiyon kung kinakailangan pa ang konstruksiyon ng mas maraming mall sa lungsod ay bahagi ng comprehensive development plan, maliban pa na ang mga karagdagang mall ay tila magkakaroon ng malaking epekto sa “carrying capacity” ng lungsod na sa unang mga pag-aaral ay nasa bingit na ito. Binigyan diin din kung ikinonsidera ang kapasidad na bumili ng publiko, dahil kung pribado ang magpapatakbo nito ay tiyak na may kamahalan.

Pinipilit ng mga asosasyon ng market vendors ng lungsod na makilahok sa moderinasyon ng pamilihan upang hadlangan ang pagsakop ng mga “multinational na kompanya”. Ang mahigit isang siglong merkado na itinayo noong 1913 ay umakit ng mga turista na bumili ng mga sariwang gulay ng Benguet at mga souvenir items noon at ngayon. Ito ang nais na panatilihin ng ilang grupo ng vendor – ang pagkakakilanlan ng merkado ng lungsod, isang tunay na pamilihan.

Dahil nangangamba sila kung mga multinational na kompanya ang magdedebelop ay tiyak na magkakaroon ng karagdagang mga mall. Lagi natin sinasabing hindi masama ang pag-unlad, ang pagbabago o development, ngunit kung kahihinatnan naman nito ay hindi maganda sa mamamayan at pagkasira ng natitirang imahe ng kalikasan na ikasasama ng mga susunod na henerasyon sa halip na ikabubuti ay marahil na hindi dapat ito tangkilikin.

Tunay na nahuhuli na ang lungsod sa modernisasyon ng pamilihan kumpara sa mga karatig bayan at lungsod, subalit aanhin mo naman ang kaunlarang ito kung hindi naman maayos at panatag
ang iyong loob sa lupang iyong tinitirhan? Nawa’y muling isipin ng mga kasalukuyang liderato at tagasulong ng market development ang kapakanan ng mga residente at natitirang yamang imahe ng lungsod at mabago pa ang mga ilang detalye ng panukala sa development.

Kung matuloy na nga ang development ng pampublikong pamilihan ng Baguio, sino kaya ang tunay na nanalo?