Di tayo kailangan ng puno, kailangan natin sila

Sa maraming taon na ay inaatake ang mga pine tree ng Cordillera ng isang pine tree bark beetle na isang uri ng engraver beetles na kung tawagin ay Ips Calligraphus, na siya ring sumisira sa mga pino ng Baguio.
Naging sanhi ito ng pagkamatay (unti-unti) ng maraming pine tree sa mga gubat at mga natitirang protected forest areas sa lungsod ng Baguio.
Sa kabila ng pagka-alam ng ng mga ahensiya partikular ang DENR sa mapamuksang mga salaginto, bagama’t may mga hakbang namang ginawa ay tila may kakulangan o wala pang katiyakan sa isang maayos na information drive at management plan para sa publiko ukol sa salot na dulot ng mga salaginto. At dahil sa napabayaan at nawala na sa pansin ng mga kinauukulan, ang nakababahala pa ay nitong mga nakalipas na dekada ay mula sa mga gubat ay umatake na rin ang salot na salaginto sa kalunsuran
at residential areas.
Ito ngayon ang nangyayari sa Baguio at ito ang napansin walang iba kundi ng kasalukuyang Secretary ng DENR Roy Cimatu sa nabilang niyang nasa mahigit isang daan na namamatay at patay ng pine tree (sa loob pa lamang yan ng Camp John Hay) na labis niyang ikinalungkot at ikinabahalang baka maubos na at mawala na ang mga punong pino na kakambal ng Baguio.
Dahil dito ay inutos niya ang agarang imbentaryo at pag-aaral sa mga pine tree sa lungsod sa loob ng isang buwan para maisalba at maproteksiyunan ang natitirapang mga pine tree.
Ayon sa datos mula Cenro-Baguio, sa kabuuang sukat ng lupa ng lungsod na 5,733.11 ektarya, ang natitirang kagubatan ay 1,572.8 ektarya o 27 porsiyento ng kabuuang sukat ng lupa.
Ang malaking bahagi ay pumupunta sa alienable at disposable lands na binubuo ng 73 porsiyento o 4,160.63 ektarya.
Ayon sa initial inventory ng City Environment and Parks Management Office noong 2015 ay may 2,060 puno ang nasa palibot at loob ng Burnham Park. Sa bilang na ito ay 372 ay mga Benguet pine trees, African tulip na 215 puno, pink shower na 243, bottle brush na 293, alnus na may 181 puno, eucalyptus 131, at agoho na 210 puno, maliban pa sa ilang uri ng kahoy.
Inamin ng mga foresters ng CEPMO na mas mahirap protektahan ang mga pine tree na nasa pribadong lugar gaya ng mga pagputol ng matatandang puno sa Bokawkan Road, Bakakeng, Camp 7, Marcos Highway, at ba pang lugar. Ang mga itinumbang mga puno ay nagbibigay daan sa mas maraming condominiums, commercial spaces, mga paaralan at subdivisions.
Sa kaso naman ng John Hay Reservation kahit na may sariling foresters na nangangalaga sa gubat ng pine trees nito na binubuo ng 53 porsiyento ng fprested area ng Baguio ay di dapat pakampante sa pagkamatay ng mga puno. Ng mangasiwa ang Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo) noong 1996 ay may 120,656 pine tree sa loob ng 247 ektaryang lupa at nakapagtanim daw ng karagdagang 144,715 puno bilang reforestation o pamalit.
Sa mga paunang impormasyon na sa oras na ang isang pine tree ay nakubkob na ng ips beetle ay wala ng paraan paraan para isalba ito sa pagkasira at pagkamatay, subalit hindi tayo dapat sumuko sa kabila ng katotohanang ito. Tunay na nanganganib ang mga pine  tree ng Baguio hindi lamang sa mga mapamuksang salaginto kundi sa masyado at nagmamadaling pagunlad na nais ng tao.
Kailangang magkaroon ng kaalaman ang publiko at tumulong sa pagtugon sa problemang ito dahil tila tinuturuan tayo ng mga punong ito sa kahalagahan ng pag-aaruga at pagbibigay.
Dahil likas na sensitibo ang pine tree ay mas mahirap silang patubuin kaya kailangan ng tiyaga at responsibilidad na aalagaan sila na sa oras maistorbo ay namamatay sila.
Siguro nga naging maramot at naging manhid tayo sa ating kapaligiran na nakalimutan nating magbahagi ng espasyo sa ibang nabubuhay na nilikha sa paligid natin. Dahil sa pagnanais nating magtayo ng mga istrukturang magbibigay ligaya at komportableng tirahan sa tao ay ipinagkait naman natin ang mga lugar para tumubo ang mga puno.
Nakakalungkot isipin na ang simoy ng dating Baguio, ang halimuyak ng punong pino na sumasabay sa malamig na hangin ay magiging bagay na lamang ng nakaraan.
Hindi lamang ang pagtatanim bilang pamalit sa mga natumba at itinumbang pine trees ang kailangan kundi ang sinserong pangangalaga, pag-aaruga at tunay na pagprotekta sa mga nalalabi pang puno maging anuman, sinuman ang magbalak guluhin ang mga puno – dahil kailanman ay hindi tayo kailangan ng mga puno datapuwa’t tayo ang nangangailan sa mga puno.
 
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon