Habang nasusulat ang espasyong ito…bisperas na ng Araw ng mga Puso. Nakapagsimula na rin ang kampanyahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party list. Sumabay na rin ang Oplan Baklas ng COMELEC sa mga Campaign Materials na wala sa legal na lugal at wala sa tamang sukat. Sa March 28 naman ang Oplan Baklas sa mga kandidato-lokal. Ang kanilang kampanyahan ay tatagal hanggang Mayo 10, dalawang araw bago ang eleksiyon. Tanong: may mga sumablay na ba sa kanilang intensiyong maluklok sa serbisyo-pulitikal?
Trak-trak na mga campaign materials ang binaklas ng COMELEC sa iba’t-ibang lugal dahil nakalagay ang mga ito sa
mga illegal na lugal at wala sa tamang sukat ayon sa panuntunan. Tsk tsk..balik-dati ulit ang arangkada, mga pards.
Talagang hindi na tayo natuto sa tuwing may eleksiyon. Alam na nga natin na bawal..sumusuway pa rin tayo. Sayang ang pera at pagod, di ba? Palagay namin…ang mga pasaway ay nagbabakasakali lang baka makalusot. Tiyak na alam ng kanilang mga alipores na labag sa tuntunin ang kanilang ginagawa pero sige pa rin sila.
Baka nga naman makalusot. Pero sandamukal ang mata ng COMELEC. Hindi lang yan…pati mga mata ng mga magkakalaban, nakamulagat din at baka sila-sila na (mga lideres) ang nagbabaklasan. Sabi ng mga matanda: yan ang tradisyong ginagawang “legal” at “illegal”. Tsk tsk..pagsasayang ng pondo at pagud. Pero tanggapin natin na ito ay kasama sa tradisyon ng pulitika. LAMANGAN! Ito ang matindi at masakit na katotohanan sa tuwing kampanyahan. Ang makalamang sa kalaban sa tinatakbuhang posisyon ay kasama lagi sa modus-operandi ng mga gustong mahalal.
Bato-bato sa langit. Sukdulang gumasto para lamang sa ganitong gawain. Panahon pa ni Abraham hanggang nina
Noah at Moses hanggang sa napako si Kristo sa krus…naroon ang LAMANGAN. Oh, di ba, pati nga ang balabal ni Poong Hesus ay “pinagsugalan” pa? Kaya pati na ang isyung-pulitikal ay ginagawa na ng iba na isang sugal. Sabagay, sabi nila…ang sugal ay pakikipagsapalaran – manalo-matalo. Pero ang masakit, para manalo…nagiging mala-demonyo ang operasyon ng iba, hindi sa nilalahat. Pati nga magkakalahi o magkakamag-anak ay naglalamangan para masungkit ang posisyong pinupuntirya. PERA: pansilaw sa tuwing kampanyahan.
In short…pera ang gamit sa pambili ng boto liban sa “bola-bola” at “kare-kare” na hindi naman tinutupad. Kaya heto na naman ang arangkada ng Daplis: huwag magkamali sa pagpili ng iboboto sa darating na Mayo 12. Nasa kamay nating mga botante ang kinabukasan ng ating bayan. Sa munti nating kamalian sa pagluluklok ng mga maninilbihan…katumbas nito ang sakal sa leeg. Sa maling pagpili dahil tayo’y natapalan ng kung ano-anong
dahilan…katumbas nito ang ilang taong kaapihan at kakulangan sa serbisyong inaasam. Masakit mang tanggapin…ang pulitika ay ginagawa ng negosyo ng ilan.
Dahil dito, mabubura ang aghikain ng malinis na panunungkulan. Sabi nga ng marami: natural na kung ikaw ay
nagbitaw ng pondo, kinakailangang mabawi mo ito pag ikaw ay nakaupo na sa puwesto. Perdido ang serbisyo sa bayan at panloloko’t panlalamang sa mga nagpa-upo sa iyo. Sa mas masahol na salita…”panderenggoy”. Upak nga ng iba: walang negosyante ang gustong malugi. Ang pinaka-mapait na eksena sa ganitong kalakaran ay may mga buhay na nagbubuwis. Kaya lagi tayong may mga “Hot Spot” na tinatawag dahil sa isyu-pulitikal. Tapik ng mga analysts:
bakit kasi tayo nagpapatayan eh, iisa lang naman ang ating puntirya: ang manilbihan sa sambayanan. Kinakailangan bang tayo ay manakit para makapanungkulan o ang puntirya ay “mangurakot” lamang sa kaban ng bayan? Kaya, inuulit natin…huwag tayong pasisilaw sa pangako’t yaman. Piliin ang karapat-dapat. Adios mi amor, ciao, mabalos.
February 15, 2025
February 15, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025