BAGUIO CITY
Pinatibay pa ng Department of the Interior and Local Government – Cordillera Administrative Region (DILG-CAR) ang adbokasiya nito para sa Gender Equality, Disability, and Social Inclusion (GEDSI), bilang bahagi ng pinalawak na programa nito sa Gender and
Development (GAD). Nitong Mayo, kinilala ang rehiyon sa pamamagitan ng prestihiyosong Gold GAD Seal dahil sa pagsunod ng
institusyon sa Magna Carta of Women at iba pang mga inisyatibong nakatuon sa gender mainstreaming.
Ayon kay Marleen M.Guerzon, hepe ng Local Government Monitoring and Evaluation Division (LGMED) ng DILG-CAR, ang pagpapalawak mula GAD tungong GEDSI ay layuning mas mapabilang ang mga sektor na madalas na hindi nabibigyang pansin, gaya ng mga taong may kapansanan (PWDs), katutubo (IPs), solong magulang, at mga miyembro ng LGBTQ+ community. “Hindi lang ito para sa
kababaihan. Gusto nating tiyakin na lahat ay may boses at pantay na pagtingin sa lipunan,” ani Guerzon.
Hindi natatapos sa internal na reporma ang gender efforts ng DILG-CAR. Aktibo rin itong nagbibigay ng teknikal na tulong sa mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng GAD Plans and Budgets, nagmo-monitor ng kanilang mga isinusumiteng plano upang matiyak na tumutugma sa pambansang pamantayan, at nagsasagawa ng mga pagsasanay ukol sa gender sensitivity. Isa sa mga pangunahing
inisyatiba ng ahensya ay ang Men Opposed to Violence Everywhere o MOVE program, na layuning hikayatin ang mga kalalakihan na maging katuwang sa pagwawakas ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan.
Bukod dito, naglulunsad din ang DILG-CAR ng mga aktibidad tulad ng mga market encounters na nakatuon sa kababaihan, self-defense
training, pagsasanay sa entrepreneurship, HIV/AIDS awareness campaigns, at pagbabahagi ng mga kwento ng tagumpay ng kababaihan sa social media. “Parte ng trabaho namin ang i-review ang mga plano at budget ng LGUs. Binibigyan din namin sila ng training para alam nila kung ano ang dapat laman ng kanilang GAD Plan,” paliwanag ni Guerzon. Tinitiyak ng DILG-CAR na hindi lamang panay dokumento ang pagsunod ng mga LGU.
Dapat ay tumutugon ang kanilang mga GAD Plan sa tunay na isyung pangkasarian sa kani-kanilang lugar, at sumusunod sa legal na
mandato. Taon-taon ding isinusumite ang GAD Accomplishment Reports sa Commission on Audit (COA) upang masigurong tama at wasto ang paggamit ng pondo. Sa kasalukuyan, lahat ng LGU sa Cordillera ay may sariling GAD Plan and Budget at sumusunod sa itinakdang 5% na alokasyon. Mayroon din silang Local Council on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC) at Local Council for the Protection of Children (LCPC) — patunay ng kanilang matatag na paninindigan para sa gender-responsive
governance.
Isa lamang ang Cordillera sa limang rehiyon sa buong bansa na ginawaran ng Gold GAD Seal — ang pinakamataas na pagkilala para sa mahusay na pagpapatupad ng GAD programs. “May walong indicators ang GAD Seal—kabilang dito ang GAD budget, focal point system, database, technical assistance, at iba pa. Nakamit natin ang gold dahil nakuha natin ang score na 91 hanggang 100,” ayon kay Guerzon. Sa kabila ng limitadong pondo, patuloy ang ahensya sa pakikipagtulungan sa mga LGU at iba pang government agencies para sa mga
proyektong pangkasarian. Sa pamamagitan ng mga regional mechanism tulad ng Regional Gender and Development Committee at
tuloy-tuloy na capacity building, nananatiling committed ang DILG-CAR na maisulong ang gender equality at inklusibong pamamahala sa
buong rehiyon.
Noel Celeste/UC-Intern
June 23, 2025
June 23, 2025
June 23, 2025
June 23, 2025
June 23, 2025