Direksyon ng Pag-ahon

GAYUNG MAY DALUYONG ng pangamba, masaya pa ring inilunsad nitong Martes ang tinaguriang Tourism Bubble na nag-uugnay sa Baguio at kalapit lalawigan ng Region 1 — ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan — upang kusang loob na mabisita ng bawat mamamayang biyahero at turista ang mga nasabing lugar.

Ang programa ay buong kasiyahang tinanggap ng mga pamahalaang local, batay na rin sa napagkasunduang mga alituntunin na pinanguluhan ng ating Mayor Benjie, at may suporta ng Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, na siya ring nagging panauhing pandangal.

Bago pa man pormal na nailunsad ang programa, ay mayroon ng mga pagkukusang pagpapaliban sa naitakdang panahon ng pagbubukas ng bawat kasaping LGU sa turismo; iba’t ibang mga petsa
ang napili, upang maseguro ang kahandaan ng lokalidad, lalo na sa isyu ng kalusugan at kaligtasan, na siyang pangunahing agam-agam ng mga nababahala sa pagdating ng mga bisita. Dito masusubukan ng lubusan ang bisa ng mga naitakdang panuntunan.

Sa isang banda, hindi matatawaran ang halaga ng mga alinlangan tungkol sa kahandaan ng mga nangangasiwa ng programang balik-turismo. Ang pandemya ay nandyan pa at lagging nakaumang sa sino mang walang kahandaan sa iniingatang kaligtasan. Ang covid ay handing sumapi sa kahit na anong pangangatawan. Wala siyang iginagalang na edad, at walang sinisino kung lalaki o babae.

Sa loob ng anim na buwan, naranasan ng bawat lugar hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa iba pang parte ng mundo, na lalo pang bumagsik ang hampas ng covid; noong unang mga buwan, mga me edad lamang ang madaling dapuan ng sakit, ngunit habang tumatagal, pati ng kabataan at maging mga sanggol ay hindi nakaligtas sa kanyang pananalasa.

Tama ang desisyon na ipagpaliban ng dalawa pang lingo ang pagtanggap ng mga turistang Ilocano at Pangasinense dito sa Baguio. Nitong mga nakaraang araw ay ating naranasan ang nakalulunos na pagtaas ng insidente ng impeksyon, na umabot hanggang 36, pumelo sa 40, at kahapon lamang (sa araw ng Byernes ng pagsulat nito) ay 46 ang naitalang mga kaso ng confirmed positive cases.

Para sa mga mabilis pa sa alas kwatro ang pagtaas ng kilay, hindi naman dapat na ikabahala ang ganitong sitwasyon. Ito ay inaasahan na, dahil na rin sa pinalawak na testing coverage, higit na mabilis na paglalahad ng resulta, at syempre naman, ang patuloy na pagbukas ng ekonomiya, ang pagdami ng mga taong mas maraming panahon na nasal abas ng tahanan.

At siyempre, hindi maitatatwa na dahil na rin sa bisa ng epektibong mga pamamaraan ng pagtuklas kung sino ang nahawa na at madaling makahawa, tataas ang bilang ng mga nagkakasakit. Sa panahong wala pa tayong bakunang ligtas na maituturok sa mga pasyente, pinakaligtas pa rin ang maisaugaling pagsunod sa basic health protocol: regular na paghuhugas ng kamay, palagiang pag-gamit ng facemask, at masusing pagsuot ng faceshield.

Ngunit ang hindi rin dapat na makaligtaan, ang sinasabing social distancing, na dapat ay isang metro ang layo ng bawat isa sa mga lugar na kailangan, tulad ng mga pinaglulugaran ng karamihan, mga private gathering na madalas ay nagiging sanhi ng pagkakahawaan. Huwag na huwag nating kaliligtaaan: Nasa ating mga kamay ang ating kaligtasan!

Amianan Balita Ngayon