Disiplina Pa Rin ang Higit na Sandata Laban sa COVID-19

Sa unang tingin ay talaga namang nakakabigla o di man ay nagdudulot ng pangamba sa mga mamamayan ng Lungsod ng Baguio ang biglang pagdami ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod na naitala sa nagdaang mga araw. Kapansinpansin ang walang naitalang kaso sa nagdaang mga araw at linggo na nagpapakita na mahusay at epektibo ang mga pamamaraan ng pamahalaang lungsod sa pagsawata ng pagkalat ng coronavirus sa lungsod.
Katunayan ay naging magandang modelo ang lungsod sa pamamahala sa COVID0-19 na pinuri ang mismong si Mayor Benjamin Magalong sa kaniyang isinasagawang sistema sa “contact tracing” upang matunton agad ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus upang agad na matugunan ito.
Dahil dito ay itinalaga si Mayor Magalong bilang pambansang pinuno ng contact tracing.
Subalit ang pagkalma ng mga kaso ay nagulantang sa biglang pagbulusok ng mga kaso na hanggang Hulyo 30 ay umabot na sa 102 mga kaso ang naitala sa lungsod.
Ayon sa ulat ng Baguio City health Office (CHO) napasok na ng COVID-19 ang 58 barangay sa 129 barangay sa lungsod kung saan sa higit 100 kaso ng impeksiyon, 68 porsiyento nito ay mga kasaysayan ng paglalakbay habang ang 32 porsiyento ay walang travel history o contact sa mga pasyente.
Dahil dito ay minarapat ng Mayor na iutos ang dagliang pagsasailalim sa “lockdown” ng mga barangay na may kaso upang agad maisagawa ang contact tracing.
Ang biglang pagdami ng kaso ay inamin ng mga opisyal ng lungsod na sanhi ng expanded risk-based mass testing, ang pagbubukas ng ekonomiya ng lungsod at ang pinaluwag na paggalaw ng tao papunta at palabas ng lungsod. Kumalat din ang balita na ang mga inuman at kumpulan ay naging sanhi din ng hawaan ng sakit dahil tinanggal na ang “liquor ban” sa lungsod.
Ipinakahulugan ni Mayor Magalong na ang pagbulusok ng mga kaso ay maaaring nararanasan na ng lungsod ang “second wave” ng hawaan ng virus kung ang “case curve” ang pag-uusapan dahil ang “curve” ay bumaba at nagpantay sa isang panahon bago muling umakyat ito. Ngunit ayon sa CHO ay kailangan pang tiyakin kung ito nga ay maituturing na “second wave” dahil ang pagdami ay resulta daw ng sadyang pagtest at hindi sa aksidenteng pagkakatuklas.
Marahil nga ay walang dapat ikabahala ang mga residente dahil sa maagap na pagtugon ng lungsod at ang pagkakaroon ng mahusay na sistema sa contact tracing, gayundin ang pagkakaroon ng sapat na mga pasilidad ukol dito. Ngunit hndi maiaalis sa mga mamamayan na mangamba dahil hangga’t hindi lubos na masusugpo ang sakit at hindi humuhupa pagkalat ng impeksiyon ay hindi mawawala ang takot ng sambayanan.
Dapat lang na iutos muli ni Mayor magalong ang mahigpit na pagbabantay sa mga border ng lungsod, ang pagtakda ng istriktong curfew hours, ang pagbabalik ng liquor ban at ang matapat na pagsunod sa mga health protocols upang hindi dumami at madagdagan pa ang mga kaso.
Tunay na kailangang gumalaw ang ekonomiya, upang kahit papaano’y magkaroon ng kabuhayan ang mga residente sa gitna ng “new normal” na sitwasyon. Sa paghikayat ni Mayor Magalong na “ituring natin sa sarili natin na mayroon na tayongt sakit, ituring din na mayroon din ang iba at ugaliin na ito” ay siguro mabisang paraan upang masunod ang distansiya at kalauna’y masasanay na tayo sa bagong uri ng pamumuhay.
Minsan nang pinuri ang mamamayan ng lungsod ng Baguio na disiplinado at sana’y ipagpatuloy natin ito kung ayaw nating maranasan ang mas malala pang senaryo.

SINUNOG

Turnover of PPE

Amianan Balita Ngayon