DOH-CAR PAPANGUNAHAN ANG DENGUE AWARENESS MONTH

BAGUIO CITY

Papangunahan ng Department of Health-Cordillera ang mga aktibidad sa paglulunsad ng Dengue Awareness Month, ngayong buwan ng Hunyo. Ayon kay Alexander Baday, Entomologist III ng DOH-CAR, pangunahing layunin ng buwan ng dengue ang pagbibigay kaalaman sa publiko at pagpapatatag ng mga preventive measures. “Hindi naman ngayon lang yung awareness campaign natin, pero ngayong Dengue Awareness Month, mas pinapaintindi sa mga tao ang kahalagahan ng preventive measures gaya ng 4S,” aniya. Bitbit ang temang “Alas Kwatro tayo’y gumalaw, mag 4T’s tayo araw-araw!”, hinihikayat ng DOH-CAR ang publiko na gawin ang 4Ts: Taob,TakTak,Tuyo, at Takip.

Tayo ay hinihikayat na gawing habit ang paglilinis ng maigi lalo na sa mga lugar kung saan maaaring pag pugaran ng mga insekto gaya na lamang ng mga drum ng tubig. Ilan sa mga aktibidad ng ahensya ay ang “Bayanihan Laban sa Dengue Caravan,” kung saan tinuturuan ang mga barangay ng tamang hakbang upang mapuksa ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok. May mga school-based campaigns rin ngayong pasukan para maturuan ang kabataan. Nagsimula na rin silang magsagawa ng Social and Behavioral Change Communication (SBCC) Workshops noong Mayo 13 at 19 para sa mga purok leaders ng Barangay Irisan.

Ilulunsad din ang Best Dengue SBCC Award upang kilalanin ang mga barangay na aktibong nakikiisa sa laban kontra dengue. Bukod sa paglilinis ng kapaligiran, ipinatutupad rin ng DOH ang integrated vector management, na kinabibilangan ng environmental at biological
control, gamit ang real-time data mula sa mga ospital upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang tugon. Hinikayat ng DOH ang publiko na agad magpakonsulta kapag may sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng kasukasuan, at pagsusuka. “Mas maaga ang aksyon, mas malaki ang tsansa na maiwasan ang komplikasyon,” ayon kay Baday.

Sa Hunyo 15 rin ay gaganapin ang ASEAN Dengue Day na may temang “ASEAN united: Zero Dengue Deaths, a future we build together.” Kaisa rito ang DOH-CAR sa layuning walang mamatay sa dengue sa buong rehiyon. Giit ng ahensya, ang tagumpay laban sa dengue ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos. “Please participate and cooperate, especially now na ating mga LGUs at ating barangay are conducting these activities,” pahayag pa ni
Baday.

Noel Celeste/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon