DOH NAGPAALALA SA BANTA NG LEPTOSPIROSIS SA ILOCOS SUR

VIGAN, Ilocos Sur

Nagpaalala sa banta ng sakit na leptospirosis ang Provincial Department of Health Office (PDOHO) sa probinsya ng Ilocos Sur sa gitna ng tumataas na bilang ng mga kaso. Base sa huling ulat noong
ika-12 ng Agosto na nakuha ng PDOHO mula sa kanilang pagbabantay sa bilang ng mga kaso sa iba’t ibang mga ospital at Rural Health Unit sa Ilocos Sur ay may naitalang 52 na kaso ng ”suspected and probable cases”.

“Kung makikita po natin sa data, iyon pong mga heavily flooded areas during the Super Typhoon Egay ang may pinakamataas na cases kagaya ng Vigan City na may naitalang 27 cases, at kung saan merong pong dalawang deaths,” ani Development Officer John Lee Gacusan ng PDOHO na siyang
ring naghayag ng paalala. Sumunod sa lungsod ng Vigan ay ang bayan ng Caoayan, na isa rin sa mga bahagyang binaha noong bagyong Egay, na may 17 na kaso at isa ang naiulat na namatay dahil sa nasabing sakit.

Samantala, sa kabuuan ay mayroon nang naitala na pitong pagkamatay kaugnay ng Leptospirosis.
May tig-dalawang kaso sa mga bayan ng Bantay at Santa Cruz, at tig-isa sa mga bayan ng Cabugao, Gregorio Del Pilar, Santa Catalina, at Tagudin. Mariing pinayuhan ni Gacusan ang publiko na magingat laban sa leptospirosis. Aniya, “hanggang maaari po, inirerekomenda po natin na kung wala po tayong importanteng gagawin, o hangga’t maaaring iwasan ang paglusong sa baha ay huwag po nating gagawin.”

Dagdag pa niya, “kung hindi po talaga maiwasang lumusong sa baha ay inirerekomenda po natin na gumamit tayo ng bota o gloves kung kailangan talaga nating magtrabaho sa baha. Pangalawa, siguraduhin po nating malinis ang iniinom nating tubig.” Paalala rin ni Gacusan na paghiwa-hiwalayin ang mga basura dahil aniya, ito ang kadalasang pinupuntahan ng mga hayop, at kapag naimpeksyon o nahawaan sila, maaaring ito ang magkalat ng sakit na Leptospirosis. Payo ni Gacusan, kung may  masamang pakiramdam gaya ng lagnat ay mainam na agad magpakonsulta sa
pinakamalapit na pagamutan.

(ATV-PIA Ilocos Sur/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon