Doktor man at health workers nanganganib din…sa kamatayan

Sa mga emergency rooms ang mga doktor na tigmak sa pawis at critical care nurses na nagkukumahog na makakuha ng protective equipment ay mabilis na dumarating upang bigyankatauhan ang kabayanihan at trahedya ng pandemya ng coronavirus. Gaya ng mga nagdaang sakuna at trahedya, maaalala natin ang mga health care workers na ito at ang kanilang sakripisyo at katatagan sa unahan kahit pa matagal ng lumipas ang lagim ng COVID-19.

Isinasangkalan nila ang kanilang sarili sa daan ng kapinsalaan, malimit walang kaukulang bagay na proteksiyon sa kanilang sarili o mga gamit upang gamutin ang marami nilang pasyente. Bakit isinasapanganib ng mga propesyunal na ito ang sarili nilang kalusugan, buhay – at kanilang mga pamilya – para sa kabutihan ng mas marami?

Habang inaalagaan ng mga front-line health workers ang mga pasyenteng may COVID-19 ay isinasadlak ang kanilang mga sarili sa napakahirap, nakasasaid na trabaho at gayundin inilalagay ang sarili sa banta ng pagkahawa. Daan-daan na ang namatay sa buong mundo.

Hanggang sa oras na ito ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) noong Abril 22 ay may kabuuang 1,062 health workers ang nahawaan na ng novel coronavirus. Sa kabuuan, 422 dito ay mga doktor, 386 mga nurse, 30 na medical technologists, 21 na radiologic technologists, 51 na nursing assistants, at 152 iba pang empleyado ng health facilities.

Mula ng lumaganap ang COVID-19 ay 26 health care workers kabilang ang 24 doktor ang namatay na dahil sa sakit na dulot ng virus. Sa pinakahuling tala, ang bilang ng mga kaso ng mga health workers ay 16% na ng kabuuang kaso ng coronavirus sa Pilipinas. Hanggang Abril 24 ay mayroon ng 7,192 kaso ng COVID-19 ang bansa na 477 na ang namatay at 762 ang nakarekober.

Sa buong mundo ay tinamaan na ng COVID-19 ang mahigit 2.7 milyon at pumatay sa mahigit 190,000 ayon sa John Hopkins University COVID-19 global tracker.

Inihayag ng Philippine Medical Association (PMA) ang pagkabahala na gaya sa maraming bansa, ang isang kakulangan sa personal protective equipment (PPE) ay naglagay sa mga health worker sa kakaibang mataas na bantang mahawaan ng COVID-19. Sa harap ng mga limitasyon na ito ay nanawagan ang PMA na limitahan na lamang sa mga ospital ang paggamit ng PPEs sa mga health workers lamang na direktang gumagamot sa mga suspected o confirmed novel coronavirus infections.

Ang kakulangan ng PPEs para sa health workers, lalo na ang N95 masks sa panahon ng pandemya ay isang pandaigdigang krisis. Ang kakulangan ng surgical at N95 masks at pamamahagi ng kagamitan para sa health workers ay naging palatandaan ng disapat na paghahanda ng gobyerno at responde sa krisis sa buong mundo.

Naalarma din ang World Health Organization sa mataas na bilang ng mga health workers na nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas na binibigyan-diin ang kahalagahan ng tamang protective gear para sa frontliners. Sinabi ni WHO-Western Region COVID-19 Incident Manager Dr. Abdi Mahamud na ang bilang ng medical workers na nahawaan ng sakit ay mas mataas kaysa average sa rehiyon kung saan may 37 bansa ang miyembro kabilang ang China – ang sentro ng coronavirus disease at ang 13% na nakikita sa Pilipinas ay nakababahala dahil sa rehiyon ay nasa 2-3 porsiyento lamang.

Marami pa ang mahahawaan at mamamatay kung hindi agad tugunan ng gobyerno ang kakulangan ng personal protective equipments o PPE sa mga ospital, medical centers at facilities.

Ang pagkabigong protektahan ang mga medical personnel ay hindi lamang nanganganib ang abilidad ng bansa na tulungan ang mga pinakagrabeng naapektuhan ng COVID-19 kundi masisira ang kapit ng tiwala sa kabila ng mahina at kulang na serbisyo sa kalusugan ng bansa.

Sumusuntok tayo na mas mabigat sa ating timbang, ika nga.

Sa tila lumalalang sitwasyon ay hindi na mapigilan ng ilang doktor at health workers na magsalita at ipahayag ang daing at hinanakit kahit pa maging mitsa ito ng pagkawala ng kanilang trabaho. Nababahala sila na maaari silang maubos kung hindi agad matugunan ang kakulangan ng gamit proteksiyon habang inaalagaan ang mga maysakit na tinamaan ng bagong virus na ito.

Ang mga health workers ay laging nasa unahang linya sa pagresponde sa anumang outbreak kaya nalalantad sila sa panganib na nagsasadlak sa kanila sa banta ng pagkahawa ng paglaganap ng mikrobyo at sa kasong ito ang COVID-19. Kabilang sa mga panganib ang pagkalantad sa mikrobyo, mahabang oras ng pagtratrabaho, pagkabalisang sikolohikal, pagod, pagka-upos dahil sa trabaho, kahihiyan, at pisikal at sikolohikal na karahasan.

Ang mga karapatan at responsibilidad ng mga health workers, kabilang ang tiyak na hakbang kailangan upang maprotektahan ang kaligtasan at kalusugan nila sa pagtratrabaho ay dapat tingnan at tugunan ng maayos.

Tama ang sabi ng ilan na ang kamatayan ng health workers dahil sa kakulangan ng suplay ng PPE ay trahedya na dapat ipagdalamhati at hindi sakripisyong makabayan na dapat ipagdiwang dahil napakasakit tingnan na ang “maysakit ay ginagamot ang kapwa maysakit”.

Amianan Balita Ngayon