DOLE magbibigay ayuda sa higit 9,000 pribadong manggagawa sa CAR

LUNGSOD NG BAGUIO – Mahigit 9,000 manggagawa sa pribadong sektor sa Cordillera Administrative Region (CAR) na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon ang nakatakdang makakuha ng tulong pinasiyal sa ilalim ng CAMP o COVID-19 Adjustment Measure Program ng Department of Labor and Employment.
Handog ng CAMP ang isang “one-time” PhP5,000 financial assistance sa mga manggagawa maging permanente, probationary o contractual, ng mga pribadong establisimiyento na naapektuhan ang operasyon ng ECQ upang mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19.
Iniulat ni Patrick Rillorta ng DOLE-CAR na hanggang Marso 26, mayroong 9,286 manggagawa sa pribadong sektor na nag-apply sa CAMP. 2,260 sa mga aplikante ay manggagawa ng 118 establisimiyento na nagpatupad ng isang Flexible Working Agreement na nagbabawas sa bilang ng oras/araw ng kanilang trabaho habang 7,026 ng mga aplikante ay manggagawa ng mga pribadong establisimiyento na nagpatupad ng temporary closure dahil sa COVID-19.
Umaasa ang DOLE-CAR na mag-uumpisa ang paglabas ng CAMP financial assistance nagyong linggo, ani Rillorta.
Para sa apektadong manggagawa ng pribadong sektor na hindi pa nakapagapply, maaari nilang i-download ang application form sa DOLECAR website o facebook account at ipadala ang kanilang aplikasyon sa online sa pamamagitan ng e-mail sa [email protected].
Para sa mas madaling monitoring ay kailangan ding ipadala ng mga aplikante ang kanilang aplikasyon sa DOLE provincial field office sa kanikanilang lugar [email protected] (Abra), d o l e a p y @ yahoo.c o m (Apayao), [email protected] (Baguio – Benguet), [email protected] (Ifugao), doleka linga@ yahoo.com (Kalinga) or [email protected](Mountain Province)
Ang kinakailangang requirments sa aplikasyon ay report ng establisimiyento sa COVID-19 at payroll ng kompanya na nagpapakita ng bangko o ATM account number ng apektadong mga empleyado dahil ang tulong pinansiyal ay direktang credited sa mga benepisaryo.
Isa pang tulong na ibinibigay ng DOLE-CAR sa pakikipagtulungan sa local government units ay ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantage workers Program #Barangay Ko, Bahay Ko (TUPAD #BKBK).
Ito ay para sa informal sector workers na naapektuhan ang mga trabaho ng ECQ. Maaaring magtrabaho ng sampung araw ang mga kwalipikadong benepisaryo at mababayaran sila sa umiiral na daily minimum wage sa kanilang lugar.
Ang unang LGU na makakakuha ng programa sa rehiyon ay ang Pamahalaang Lungsod ng Baguio kung saan nasa 1,142 ang displaced informal sector workers, karamihan taxi drivers ang magtratrabaho mula Marso 29 hanggang Abril 11 na tutulong sa kanilang mga barangay sa sanitasyon, paglilinis at green program, at iba pa. Babayaran sila ng PhP350 bawat araw o PhP3,500 para sa sampung araw.
Magbibigay din ang DOLE-CAR personal protective equipment upang maprotektahan ang mga manggagawa mula sa coronavirus habang papasanin ng pamahalaang lungsod ang monitoring at administrative expenses.
CCD-PIA-CAR/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon