DROGA…BAKIT DI MAPUKSA – PUKSA?

Ilang siglo na ang dumating at umalis, pero ang problema sa illegal na droga sa Pilipinas ay “stay-in” pa rin. Para daw tuko sa madre kakaw na maski tiradorin at hampasin ay talagang kapit-tuko sila sa sanga. Ang malaking katanungan ay iisa: BAKIT? Marami ang naaalarma sa mga ulat na sa halip na malutas ang problema sa illegal na droga ay lalo naman yatang lumalala. Pinakatalamak ang shabu. Kung ulat ang usapan, halos araw-araw ay may nakumpiskang shabu ang mga otoridad pero sa kabila niyan, ay patuloy pa rin ang pagdating ng talaksan ng mga
illegal na drogang ito na di batid kung saan ba nanggagaling.

Karaniwan ay “shabu” na nagsisilbing palaisipan sa taumbayan kung saan ba ito nanggagaling at nahihirapan
yata ang mga otoridad na sawatain ito. Kamakailan, may napaulat na nasabat na shabu sa may Batangas na hanggang sa ngayon, hindi pa natutukoy ng mga otoridad kung saan galing at kung kanino. Tuloy, nauulit ang tanong ng marami: mahina na ba ang pang-amoy ng mga otoridad natin? Sinabi ng PDEA na P13.3 bilyon ang halaga ng shabu na nasabat sa checkpoint subalit makalipas ng ilang araw sinabing P9.68 bilyon lang ang halaga. Anong
nangyari? Balikan natin ang nasabat na shabu sa Batangas.

Bago ito nangyari, naunang nahuli ng mga otoridad ang isang babae sa NAIA nang tangkain niyang i-claim ang isang parcel na naglalaman ng shabu na may halagang P218-milyon. Kinilala ng mga otoridad ang babae na si Cristine Tinares at galing daw ang shabung ito sa Harare, Zimbabwe. Mantakin mo, pards…napakatapang na ang mga babaeng gaya ni Tinares at tiyak na may mga galamay pang nagpapatakbo sa kanya, di ba? Kamakailan din, sa
patuloy na operatiba ng mga otoridad sa Quezon city, may natimbog silang isang abogado at kasamang babae dahil sa pagtutulak ng shabu.

Kinilala ng mga pulisya ang mga suspect na sina Atty. Camilo Montesa IV at Ma. Victoria Balajadia. Nakuha sa
kanilang posisyon ang 202 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon. Ayon sa pulisya, nasa drugwatch list ng directorate for Intelligence ang dalawa at nahuli sa isinagawang drugbuy-bust operations ng otoridad. Talagang di yata masupil ang problemang ito. Mantakin mong pati abogado, pinasok na ang pagtutulak ng illegal na droga. Isang
kagalang-galang na propesyon pero nasasangkot pa rin sa iligal na gawain. Pahapyaw naman ng iba: meron pa ngang mga ulat noon na may mga nahuling pulis na nagrerecycle ng droga.

Kahit malaki na ang suweldo ng mga pulis, natutukso pa rin silang magrecycle ng shabu. Kung inyong balikan ang
naganap noong Oktubre 2022…isang pulis ang nahuli (Sgt. Rodolfo Mayo) dahil nahulihan ito ng isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa lending office nito sa Tondo, Manila. Mantakin mong si Sgt. Mayo pala ay dating miyembro ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) ng Manila Police District. Nasibak naman ang buong puwersa ng PDEG dahil sa cover-up ng droga na nasamsam kay Mayo. Sa mga pangyayaring naisiwalat ng espasyong ito…tunay na palala ang problema sa illegal na droga at tila wala na yatang katapusan ang pagdagsa nito sa ating
bansa.

Bakit kaya napakadaling makalusot sa kamay ng mga otoridad at kung masamsam man, bakit daw nananakaw at
muling naibabalik sa kalye para pagkaperahan ng mas malaki? Ang dapat ay paigtingin pa ng mga otoridad ang kanilang kampanya at tuntunin kung saan talaga nanggagaling ito…kung hindi ay magpapatuloy ang pagdagsa ng ilegal na droga sa bansa at natural, marami pang Pilipino ang masisira ang buhay. Adios mi amor, ciao, mabalos.

CORDI DAY 2024

MAKING A COMEBACK

Amianan Balita Ngayon