DUDA AT PANGAMBA…. SAKIT NG LIPUNAN!

Aminin man natin o hindi…sakit na ng lipunan ang DUDA AT PANGAMBA, saan mang lupalop ng mundo. Sa bawa’t galaw, laging may duda. Sa bawa’t usad, laging may nakaambang atras. Dahil kaya sa kulang tayo pagtitiwala at kakayahan? Yan nga mga pards, ang ating bubusisihin dahil napapanhon: Bukas, Hulyo 24…ikalawang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Tiyak ang bubuo sa kanyang mensahe ang mga nagampanan at mga pangakong gagawin sa loob ng kanyang
termino. Pero, hindi maiaalis ang duda ng mga kritiko sa uri ng serbisyong nagampanan sa unang
taon ng kanyang pagka-pangulo.

At hindi rin maisasantabi ang duda at pangamba sa nakapilang mga programa para sa bayan. Kung sa panig ng mga taong nagtitiwala sa kanyang kakayanan….nasa likud sila ng Pangulo upang
maisakatuparan ang mga programang ito. Sabagay, kahit sa mga drama sa entablado, radyo, telebisyon at pelikula…laging magkasama ang BIDA at KONTRABIDA, DI BA? Sabi nga nila, hindi raw maganda ang isang istorya kung walang kontrabida. Meron pa ngang pinag-isa ang ginampanang katauhan: bida na, kontrabida pa. Ayon sa mga matatanda…di raw agad-agad ay matamis ang isang bunga.

Magsisimula muna ito sa pagkabubot hanggang sa maging maasim bago ito maging matamis. Di ba tama naman, mga pards? Kaya sa praktikalidad sa isang lipunan….upang makaliskisan ang mga butal sa isang gawain, kinakailangan may lakas din ang mga pumupuna o kontra. Kailangan lang
mabigat ang patunay upang makontra ang duda. Kaya lang, idaan sa proseso. Tiyak sa SONA ng ating Pangulo bukas…may sasabay na namang mga protesta. Dito lang kasi maipaparamdam at maipapabatid ang damdamin ng masa. Ito rin ang pagkakataon na sila’y mapakinggan at malaman na kasapi rin sila sa ating lipunan.

Hindi lipunang nadidiktahan kundi progresibong makikialam para sa ating katatagan at pag-unlad. Kaya nga’t meron tayong Kongreso na binubuo ng Senado at Kamara. Sila ang representasyon ng sambayanan sa paghubog ng ating lipunan. Sila ang tinig ng bayan. Ang pinaka-kontrobersiyal
ngayon ang Maharlika Investment Fund. Pinirmahan ng ating Pangulo ang RA No. 11954 mas kilalang Maharlika Investment Fund at inihahanda na ang IRR para sa paglikha ng Maharlika Investment Corporation at kung papano isasagawa ang pagpapakilos at paggamit ng MIF para sa mga pamumuhunan.

Sa pamamagitan ng RA No. 11954 bilang batas, ang bansa ay magkakaroon ng kapasidad at kakayahang mamuhunan sa lahat ng mahahalagang proyektong ito tulad ng agrikultura, impraistraktura, digitalization at pati na rin sa pagpapalakas ng value chain. Ayon sa ulat, ang lilikhaing Maharlika Investment Corporation (MIC) ay inaasahang magkakaroon ng hindi bababa sa P75 bilyong pisong paid-up capital ngayong taon. P50 bilyon mula sa Land Bank of the Phil. At P25 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines. Taliwas sa mga batikos na kukunin diumano ang pondo sa mga ahensiya ng gobyerno na nagseserbisyo na sa atin.

Ang masaklap nga, pards, kahit anong paliwanag, animong bingi ang ilang kontraadministrasyon. Kaya ang payo ng marami…hintayin kasing maisagawa ang mga programa, bago pumuna. Huwag pangunahan kasi lalong lalabo ang pananaw ng madla. Lahat ay may karapatang tumuligsa. Bato-bato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon