ELEKSYON NA NAMAN… MAY BAGO NA?

Sa tuwing may eleksiyon…laging ito ang tanong: MAY BAGO BA? Tiyak iisa ang sagot ng madla,
pards. Parehas lang ng sa dati. Malaking aray ito pero makatotohanan, di ba? Lagi at lagi na kasing kaakibat ng bawa’t eleksiyon ang PANDARAYA. May nandaya, may dinaya…pero may napaparusahan ba? Sa bawa’t pagtatapos ng eleksiyon, may mga naipipilang mga reklamo. Pero papano ang resulta? Meron ngang mga kaso na araw na lamang, tapos na ang panunungkulan ng isang naireklamo…saka lang lalabas ang resulta ng imbestigasyon.

Maryusep. Ito ba talaga ang kara ng eleksiyon sa ating bansa? Laging nasasambit: bawa’t eleksiyon – marumi daw. Kasi nga, laging may alegasyon ng pandaraya. Kung ikaw ay talunan, tiyak ang nosyon: nadaya. Papano naman ang nanalo? Nandaya ba? Kaya hindi na pwedeng alisin ang mga
hinalang dinaya o nandaya. Kung baga sa tao, anino na ito ng eleksiyon. Ang maganda lang sa eleksiyon….pwede kang magpalit ng manunungkulan.

Karapatan ng mga botante ito. Ang maasakit lang…palit tayo ng palit pero parang di tayo nakakahanap ng tunay na lider. Nalalambungan kasi ng korapsiyon dahil mas malakas ang hatak ng kinang ng pagpapayaman kesa tungkulin. Kaya nga’t may mga rehistradong botante ang kung minsan ay tinatamad ng bumuto. Kasi ayon sa kanila…wala raw saysay ang pagboto kung magiging korap naman ang binotohan. Alasanto nga naman sila nang nangangampanya. Pero nang
nakaupo na, kabaliktaran na.

Sa tuwing panahon ng kampanyahan, patung-patong ang mga naggagandahang pangako ng mga tumatakbong pulitiko. Talo pa daw nila ang mga nanliligaw sa isang dalaga. Susungkitin daw nila
pati mga bituin pati na ang mga planeta para lang ibigay sa madla basta’t sila’y iboto. Pero kapag nanalo na…sila na ang hinahanap ng taumbayan. Di rin masungkit dahil wala sa serbisyo. Kinakailangan pang magpalista para sila’y malapitan at mahingan ng tulong.

Samantalang bago eleksiyon, ikaw na botante ang kanilang hinahabol para iboto sila. Sabagay hindi sa nilalahat, pards. Pero maraming kandidato ang tumatamis ang dila tuwing eleksiyon at nagiging maalat at maasim na pag nakuha na ang gustong posisyon. Sabi nila, tuwing eleksiyon, marami daw
mga patay ang nabubuhay at nakakaboto pa. Hindi raw totoo ang sinasabing may katapat na kantidad sa bawa’t botante bagama’t hindi raw makatotohanan dahil maraming gumagastos nang sobra-sobra sa takda.

Tanong muli, may napaparusahan ba kasi? Bigwas ng mga taga-Ilokandia: mamatika…agaammotayon!!!! Dahil sa iba’t-ibang eksena ng pangangampanya mula pa bago eleksiyon…nadadala na ang mga botante. Kapag nakarinig ng isang nagsasalitang kandidato, pasok sa kaliwang teynga ang narinig at labas agad sa kanang teynga. Ibig sabihin, hindi na bastabasta naniniwala ang mga botante sa mga sinasabi. Sabi ng mga matatanda: “aramid ti pakakitaan”!

Sa gawa natin matitimbang kung nagkatotoo ang mga pangako ng isang kandidato. Madaling magtali-tali ng mabibigat na mga panata, nguni’t ang timbang nito ay masasala sa kanilang gawa. May mga pulitiko na ginagawa ng negosyo ang pulitika. Gusto lang magpayaman kaya
nangungurakot. Hindi sa nilalahat, ngunit naglipana pa rin sa lipunan ang mga taong ganyan. Mga taong, buhay pa pero patay na ang kanilang kaluluwa. Sana sa darating na eleksiyon pambarangay at SK, kilalanin nating maigi ang ating mga iboboto.

Kung nagkamali man tayo minsan, sana hindi na mauulit. Kinabukasan ng ating barangay at lahi ang ating itatala kaya di tayo dapat magkamali. Huwag pasisilaw sa pangako. Gawa ang basehan hindi ngawa. Adios mi amor, chiao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon