LA TRINIDAD, BENGUET – Bahagya lang ang pinsalang naidulot ng isang oras na pag-ulan ng yelo na tumama sa probinsiya ng Benguet noong weekend.
Ito ay base sa assessment ni Office of the Provincial Agriculture (OPAG) senior agriculturist Delinia Juan sa talang isinumite ni Atok municipal agriculturist Cherry Sano.
Ipinakita sa tala na anim lamang mula sa 12 na standing agricultural products ang napinsala – repolyo, Chinese cabbage, celery, patatas, carrots at labanos. Subalit, apektado ang 152 na magsasaka.
May kabuuang 35.17 ektarya ng vegetable farms sa Barangay Paoay, Atok ang apektado ng hailstorm na may 27.38 ektarya ang bahagyang tinamaan at 7.79 ektarya ang nasuring totally damaged.
Sa pagsusuri ng mga apektadong sakahan, ilang oras matapos ang hailstorm, inaasahan ni Juan na ang hailstorm ay magdudulot ng minimal na pagbawas sa production ng mga apektadong gulay at ng presyo ng pananim.
Sinabi ni Juan na ipinabatid ng mga magsasaka na ang matinding ulan matapos ang hailstorm ang nagpatunaw ng mga ice pellets na nahulog sa mga gulay at nagligtas sa mga pananim. “Had there been no strong rain that followed, there could have been more damage,” aniya.
Ayon pa sa kaniya, mayroong 11,000 ektarya ng lupa sa Benguet na natataniman ng iba’t ibang gulay na aanihin. Karamihan ay naani na noong nakaraang Abril 18.
Kabilang sa mga ito ay ang lettuce, broccoli, snap bean, sweet peas, strawberry, at cutflowers.
Sa tala ng OPAG, ipinapakita na nakapag-produce ang bayan ng Atok ng mahigit 5,000 metric tons na iba’t ibang gulay noong 2017.
Subalit sinabi ni Juan na ang ilang farmlands sa Barangay Bayoyo sa bayan ng Buguias at Barangay Madaymen sa Kibungan ay apektado rin.
Iniulat din ni Juan na sa ulat ng OPAG ay mayroong “minimal” damage sa kanilang pananim tulad ng carrots, patatas at repolyo. P. AGATEP, PNA / ABN
April 28, 2018