Fil-Am Golf, kahanga-hangang ikinasa

Buong tapang na ikinasa ang Fil-Am Invitational Golf Tournament, ang pinakamalaki at pinakamatagal nang amateur golf tournament sa buong mundo, sa Baguio Country Club at Camp John Hay mula December 13-16.
Tinagurian itong “pinaka-maiksi at pinakamaliit” sa kasaysayan ng tournament mula nang ito’y itatag noong 1949. Tanging 288 lokal na golfers lamang ang kasali sa 71st tournament na apat na araw na lamang mula sa mga nakaraang mahigit 1,400 manglalaro sa mahigit dalawang linggong laro sa mga nakaraan.
Sinasalihan pa ito ng mga kuponang mula sa Amerika, Canada at kung saan-saan pa. Napakalaki ang kontribusyon ng Fil-Am Golf sa turismo at lokal na kalakal ng Baguio.
Hindi birong P62M, sa konserbatibo pa lang na pagtataya, ang buong ginagastos ng 1,400 manlalaro sa mahigit dalawang linggong torneyo bago mag-pandemya. Bukod pa dito ang gastos ng pamilya ng bawat manlalaro na nakagawian na ring sumama sa mga golfers upang makapamasyal at makalanghap ng ika nga’y Baguio Christmas breeze.
Kaya’t kahanga-hanga ang pagkasa ng 71st Fil-Am tournament sa kabila ng nananatiling mga hamon dulot ng COVID-19, bilang hakbanging upang mapanumbalik ang muling sigla ng turismo sa Baguio. Sa kabila ng maliit na bilang at maiksing araw ng paglalaro, napakalaki ang kahulugan nito sa tibay nd loob ng mga organizer – BCC at CJH – upang ibangon muli ang lokal na turismo ng syudad.
Saludo rin sa pagbangong ito ang Fil-Am Golf sa suporta ng Boysen Paints, Pangasinan Solid North, Puma, Srixon, Mizuno, The Manor at John Hay, Forest Lodge and Le Chef sa suporta sa torneyo. Pinarangalan bilang champions ang Manila Southwoods sa Fil division at Time Cargo Logistics sa Am division noong Biyernes ng gabi, ngunit ang higit na champions dito ay ang tatag ng paninindigang ilunsad ang torneyo sa kabila ng maliit na bilang ng makakasali at mangilan-ngilang naglakaas loob na sumuporta dito bilang sponsors.
Champions rin ang lahat ng sumaling kuponan dahil pinanalunan nila ang sariling alinlangan sa torneyo na datapwa’t “maliit at maiksi”, ay higit na makasaysayan dahil malaking hakbang ito sa pagwawagi kontra sa epekto ng COVID-19.
Amianan Balita Ngayon