FINANCIAL LITERACY SEMINAR, HANDOG SA PAGDIRIWANG NG WOMEN’S MONTH

BAGUIO CITY

Sa paggunita ng National Women’s Month, isinagawa ng Baguio City Public Library ang dalawang araw na Financial Literacy Seminar na may temang “Strengthening Women in Financial Literacy”, noong Marso 5-6. Inimbitahan ng BCPL ang mga kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas – North Luzon Regional Office upang talakayin ang mga usaping may kinalaman ng Financial Literacy, gaya ng Financial Planning, Savings, Budgeting at Borrowing or Lending na isa sa mga dapat malaman ng mga Pilipino.

“We provide seminars on financial literacy kasi isa sa advocacies ng BSP ‘yong financial education, so we want the Filipino people to be financially educated para mainclude rin sila sa economic activities,” pahayag ni Cherry Renee Pongco – Bank Officer II, BSP- North Luzon Regional Office. Mula ng magsimula ang pandemya, nakaranas ang
Pilipinas ng lockdown at quarantine period na nagdulot ng limitadong galaw ng mga Pilipino, at karamihan sa mga manggagawa at empleyado ay nawalan ng trabaho at nabaon sa utang kaya naman hirap silang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Batay sa ibinahaging survey ng BSP noong 2021, bago pa lamang magsimula ang pandemya, nasa 33% ng Filipino adults ang may utang, kung saan lumobo ito noong kasagsagan ng pandemya at 45% o’ mahigit 11 milyong Filipino adults ang may utang mula taong 2021. Nabanggit din sa nasabing survey na ilan sa mga dahilan kung bakit nangungutang ang mga Pilipino ay dahil sa basic needs gaya ng pambili ng pagkain at gamot, emergency funds, pangkapital o’ pangpuhunan ng negosyo at higit sa lahat ay ang luho.

Sa hirap na dulot ng pandemya, ilan sa mga kinakapitan ng mga Pinoy ay ang mga lending companies, five-six, at ang pagkakaroon ng credit card na may patong na malaking interes, kung saan payo ni Pongco na mas mainam na lumapit sa mga rehistrado at lehitimong bangko upang mas mabigyang tulong sa pinansyal na pangangailangan sa mas mababang interes. Binigyang-diin naman ni Dennis Gundran – Senior Research Specialist ng nasabing institusyon na maging matalino, mapanuri, at isaalang alang ang katagang ‘S.M.A.R.T. o’ Specific, Measurable, Attainable, Realistic, and Timebound’ sa Financial Planning upang sa ganoon, mas mabigyang atensyon ang mga bagay na mas importanteng paglaanan ng pera.

Dinaluhan ang seminar na ito hindi lamang ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad, kundi
pati na rin ng mga senior citizen, kapwa-empleyado, at mga magulang ay hindi pinalampas ang naturang kaganapan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Easter Pablo, Librarian IV sa mga dumalo sa naturang seminar at hiling naman niya na sana ay mas marami pang magpartisipa sa mga susunod pang aktibidad na ilalatag sa publiko.

Valerie Ann Dismaya-UB Intern

Amianan Balita Ngayon