FLEA MARKET, NAUUSO SA BAGUIO

BAGUIO CITY

 Nauuso ngayon ang flea markets na ang isa sa bagong patunay nito ay ang matagumpay na “City of Finds Flea Market” na ginanap sa 2nd floor ng Mount Crest Hotel, Legarda Road, Baguio City, noong Hunyo 12–13. Dinayo ito ng mga mamimili at art lovers na naghahanap ng lokal, vintage, at handmade na produkto. Tampok sa market ang iba’t ibang items gaya ng vintage clothing, accessories, handmade na mga alahas, lokal na damit, trinkets, at mga creatives tulad ng stickers at prints ng artists. May mga food and beverage stalls rin gaya ng matcha, tarot reading, photobooth, at maging tattoo at piercing services.

Ang flea market ay inorganisa ng mga kabataang negosyante at artist na layuning magkaroon ng espasyo para sa kanilang likha. Ayon sa isa sa mga organizer, nais nilang itaguyod ang alternative at sustainable na pamimili sa lungsod, habang binibigyan ng suporta ang mga lokal na creatives. “Mas personal ang experience dito kaysa sa mall and syempre support local artists na din,” ani Ara, estudyanteng namimili ng handmade jewelry. Habang kilala ang Baguio sa mga ukay-ukay at souvenir shops, unti-unting sumusulpot ang mga pop-up flea markets bilang bagong paraan ng pagbili at paglikha ng komunidad. Bukod sa bentahan, nagiging espasyo rin ito para sa networking at pagpapakilala ng kani-kanilang talento.

Bagama’t sanay ang Baguio sa thrift shopping, mas elevated at curated ang experience sa mga flea market. Dito, bawat produkto ay may personal touch o mga Do It Your Own na produkto at bawat booth ay may personalidad. Para kay Renzo, isang bisita mula La Trinidad, ibang klase ang vibe ng flea market. “Relaxed pero expressive,” aniya. Nagsisilbing alternatibo rin ito sa mga mamimili na naghahanap ng mas eco-friendly at lokal na produkto. Bukod sa pagiging abot-kaya, ikaw rin ay nagbibigay suporta sa small businesses at mga independiyenteng artists. Plano ng organizers na gawing regular ang ganitong market. Sa pagdami ng interes at suporta, tila nagsisimula nang tumubo ang kultura ng flea market sa malamig na lungsod ng Baguio.

Noel Celeste/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon